Isang mainit na rebelasyon ang bumulaga sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, matapos ituro ng dalawang testigo si Curlee Discaya bilang contractor ng isang mamahaling property sa South Forbes Park, Makati na binili umano ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ang nasabing bahay sa 30 Tamarind St. ay idiniin sa mga nakaraang testimonya bilang “drop-off point” ng bilyon-bilyong pisong kickback mula sa mga flood control projects dahil sa lapit nito sa tirahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, direktang itinuro ng mga testigong itinago sa mga alyas na “Joy” at “Maria” si Discaya na nakaupo rin sa loob ng session hall.
Ayon sa dalawa, na dating mga staff ng nangungupahan sa nasabing bahay, si Discaya ang nag-utos sa kanilang lisanin agad ang property noong Pebrero 2024.
“We both asked baka pwede pakiusapan ang may-ari na bagong nakabili ng bahay. And then he also mentioned si Romualdez ang nakabili,” salaysay ng isa sa mga testigo.
Bagaman hindi nila alam ang pangalan ni Discaya noon, nakilala nila ang mukha nito nang mapanood sa mga balita tungkol sa congressional hearings. Gayunpaman, mariing itinatwa ni Discaya ang paratang at sinabing kailanman ay hindi pa siya nakakatapak sa loob ng South Forbes Park.
Lumabas din sa testimonya na ang Golden Pheasant Holdings Corporation ang nakasaad sa deed of absolute sale ng property.
Ang pag-uugnay kay Romualdez ay unang naging matunog matapos maglabas ng mga video si dating Congressman Zaldy Co noong nakaraang taon, kung saan sinabi niyang naghatid siya ng mga maleta ng cash sa nasabing bahay para kay Romualdez, na Speaker ng Kamara noon.
Hindi sumipot sa pagdinig nitong Lunes sina Co at ang kanyang aide na si Orly Guteza sa kabila ng ipinalabas na subpoena.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo, mabilis na itinanggi ni Romualdez ang mga akusasyon at tinawag itong “hearsay” at “perjured statements.”
“Walang pangalan ni Martin Romualdez sa anumang dokumento, kontrata, o record ng bayad kaugnay ng property na iyon. Walang ebidensya—puro sabi-sabi lang,” pahayag ni Fajardo.
Ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay kabilang sa mga “top contractors” na nakakuha ng bilyon-bilyong pisong proyekto sa gobyerno.
Habang nasa Senado si Curlee, ang kanyang asawang si Sarah ay kasalukuyang nasa Cebu para harapin ang kasong graft at malversation kaugnay ng mga “ghost flood control projects” sa Davao Occidental, kung saan siya ay naghain ng not guilty plea.
