Malugod na tinanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang desisyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni Secretary Vince Dizon na simulan ang malawakang rehabilitasyon ng Maharlika Highway sa buong bansa.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang proyektong ito ay direktang benepisyo para sa sektor ng transportasyon, partikular na sa mga Public Utility Buses (PUBs) na pangunahing gumagamit ng naturang kalsada.
Binigyang-diin ni Mendoza na matagal nang idinadaing ng mga transport operators ang masamang kondisyon ng kalsada sa mga lalawigan na nagreresulta sa mas mataas na gastos sa pagkumpuni ng mga sasakyan.
“Napakatagal nang inirereklamo ng mga bus operators ang sira-sira at bako-bakong mga daan sa probinsya. Ang sira-sirang daan ay may matinding epekto dahil dagdag maintenance expenses ito,” paliwanag ni Mendoza.
Ang Maharlika Highway, na may habang 3,500 kilometro mula Northern Luzon hanggang Mindanao, ay sasailalim sa “end-to-end repair” na tinatayang gagastos ng hindi bababa sa P16 bilyon. Ang proyektong ito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang serbisyo ng gobyerno sa imprastraktura.
Bukod sa pagtitipid sa maintenance, makakatulong din ang maayos na kalsada upang mabawasan ang mga aksidente na madalas idinudulot ng mga lubak at sirang kalsada. Mapapabilis ang daloy ng mga produkto at pasahero sa buong kapuluan.
Pinuri rin ni Mendoza ang liderato ni Sec. Vince Dizon at DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez sa kanilang pagtutok sa mga road repairs na “clean and transparent.”
Bukod sa Maharlika Highway, isinasagawa rin ng DPWH ang rehabilitasyon sa EDSA at Andaya Highway—isang kritikal na ruta patungong Bicol at Visayas.
“Naniniwala kami na ang mga repair na ito ay magkakaroon ng malaking positibong epekto sa ating transport sector,” pagtatapos ni Mendoza. (MINA PADERNA)
