File Photo
Nilinaw ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na walang plano na permanenteng manirahan sa ibang bansa si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at nakatakda itong bumalik sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Sa isang panayam, sinabi ni Romualdez na kasalukuyang nasa California si Bonoan. Ayon sa ambassador, humiling ang dating opisyal ng extension ng kanyang pananatili sa Amerika dahil sa kondisyong medikal ng kanyang asawa.
“Naging prangka siya at sinabing babalik siya sa Pilipinas pagkatapos na pagkatapos ng operasyon ng kanyang asawa,” pahayag ni Romualdez. “Nalaman ng mga doktor na hindi pa maaaring isagawa ang procedure, kaya na-reschedule ito sa darating na Pebrero.”
Tiniyak din ni Romualdez na hindi tumatakas sa batas si Bonoan.
Ayon sa envoy, sinabi sa kanya ni Bonoan na humingi at nakakuha siya ng kaukulang permiso mula sa Philippine Department of Justice (DOJ) upang mapalawig ang kanyang paglagi sa labas ng bansa.
“Alam natin kung nasaan siya. Hindi siya nagtatago,” dagdag pa ng ambassador, na nakipag-ugnayan sa dating kalihim sa pamamagitan ng mga intermediary matapos siyang utusan ng mga awtoridad sa Pilipinas na kumpirmahin ang kinalalagyan nito.
Ang paghahanap sa kinalalagyan ni Bonoan ay bunsod ng pagkakaladkad ng kanyang pangalan sa mga alegasyon ng iregularidad sa multibillion-peso flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan sa Pilipinas.
Isa si Bonoan sa mga ipinatawag ng Senado para sa isang inquiry. Una nang nagbabala ang mga senador na magpapataw ng kaukulang legal na aksyon laban sa mga resource persons na mabibigong humarap sa mga pagdinig.
