Mariing iginiit ni Senadora Risa Hontiveros nitong Huwebes na dapat malinaw na nakasaad sa bagong administrative order ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangan pang “mamalimos” ng mga pasyente sa mga politiko para lamang makakuha ng tulong medikal.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health and Demography, binigyang-diin ng senadora na ang layunin ng ginagawang rebisyon sa guidelines ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Persons (MAIFIP) ay upang gawing mas madali at hindi pahirap ang proseso para sa mga pamilyang nangangailangan.
Ayon kay Hontiveros, malinaw ang naging desisyon ng Senado at Kamara na hindi na dapat pang magpalipat-lipat ng opisina ang mga tao para lamang sa isang “guarantee letter” o GL dahil ang tulong ay dapat direktang ibinibigay sa kanila.
Suportado ang hakbang na ito ng mga bagong reporma sa ilalim ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon.
Kinumpirma ni acting DBM Chief Rolly Toledo na sa ilalim ng Section 19 ng nasabing batas, mahigpit nang ipinagbabawal ang pakikialam ng mga politiko sa pamamahagi ng cash aid at iba pang tulong ng gobyerno.
Alinsunod sa “anti-epal” provision na isinulong ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, ang lahat ng tulong pinansyal ay dapat eksklusibong ipinamamahagi lamang ng mga awtorisadong opisyal at tauhan ng gobyerno o mga accredited partners nito.
Dahil dito, tiniyak ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa ilalim ng Zero Balance Billing program, ipagbabawal na ang paghahanap ng GL mula sa mga mambabatas sa mga pampublikong ospital ngayong taon.
Upang matiyak na magiging permanente ang sistemang ito, isinusulong ni Hontiveros ang Senate Bill No. 1593 o ang Universal Health Care Medical Assistance Program (UHC MAP).
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, tuluyan nang aalisin ang pangangailangan sa mga GL mula sa mga politiko at sa halip ay direktang makikipag-ugnayan ang mga pasyente sa mga medical social workers ng ospital upang makatanggap ng tulong sa loob lamang ng 72 oras.
Iginiit ng senadora na ang tulong para sa kalusugan ay dapat ibinibigay nang walang anumang kapalit o politikal na kondisyon, at dapat manatili ang ganitong panuntunan lagpas pa sa kasalukuyang fiscal year upang tuluyan nang matigil ang kultura ng paghingi ng pabor sa mga opisyal para sa batayang serbisyong medikal.
