Pinag-aaralan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-aalok ng sampung milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na maghahantong sa pag-aresto kay gaming tycoon Atong Ang.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, layunin ng planong pabuyang ito na bigyan ng matinding presyon si Ang upang sumuko na sa mga awtoridad kaugnay ng mga warrant of arrest na kinakaharap nito para sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang panayam, sinabi ni Remulla na posibleng sapat na ang halagang P10 milyon upang mapabilis ang pag-turn over sa akusado sa kamay ng batas, lalo’t base sa kanilang monitoring ay nananatili pa rin ito sa bansa at partikular na tinutunton sa bahagi ng Luzon.
Naniniwala ang kalihim na hindi pa nakakalabas ng Pilipinas si Ang dahil nakita pa umano ito ng kanyang abogado na pumipirma ng mga dokumento ilang oras bago ilabas ang warrant of arrest noong nakaraang araw.
Kasabay nito, mariing binalaan ni Remulla ang publiko na itinuturing nilang “armed and dangerous” ang tycoon dahil sa mga seryosong alegasyon na nag-utos ito ng pagpatay sa mahigit isandaang tao, bukod pa sa pagkakaroon nito ng mahigit dalawampung bodyguards saanman siya pumunta.
Binigyang-diin ng kalihim na handa ang mga awtoridad sa anumang kaganapan, at hindi nila palalampasin kung sakali mang magpasya si Ang na lumaban habang isinasagawa ang pag-aresto.
Samantala, iniutos na rin ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang paghihigpit sa lahat ng paliparan at pantalan sa buong bansa upang matiyak na hindi makakatakas si Ang palabas ng Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa kawanihan ng imigrasyon bilang bahagi ng mas pinalakas na manhunt operation.
Ayon kay Nartatez, ang pinakamabuting opsyon para kay Ang ay ang sumuko nang matiwasay upang harapin ang 15 counts ng kidnapping and serious illegal detention at apat na counts ng kidnapping with homicide na isinampa laban sa kanya.
Iginiit ng opisyal na kung totoo ang claim ni Ang na siya ay inosente, mas lalo itong dapat magpakita sa korte upang linisin ang kanyang pangalan.
