Nagkasundo ang Pilipinas at Japan nitong Huwebes na mas palalimin pa ang kanilang alyansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ugnayan sa seguridad at kalakalan, kasabay ng babala ng Tokyo ukol sa tumitinding hamon sa estratehikong kapaligiran sa rehiyon ng Indo-Pacific.
Sa isang pagpupulong sa Maynila, nagpahayag sina Philippine Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro at Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi ng mariing pagtutol sa anumang unilateral na pagtatangka na baguhin ang status quo sa mga estratehikong karagatan gamit ang pwersa o koersyon.
Binigyang-diin ng dalawang panig ang kahalagahan ng trilateral na kooperasyon kasama ang Estados Unidos upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa harap ng agresibong mga aktibidad sa East at South China Sea.
Bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayan, nilagdaan ng dalawang bansa ang tatlong mahahalagang kasunduan kabilang ang Acquisition and Cross Servicing Agreement (ACSA) sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at Self-Defense Forces ng Japan.
Kasama rin sa nilagdaan ang Exchange of Notes para sa Official Security Assistance (OSA) mula sa Japan na nagkakahalaga ng 900 milyong Japanese yen o humigit-kumulang P341 milyon para sa pagpapatayo ng mga boathouse, slipways, at coastal radar systems sa bansa. Bukod sa aspetong militar, nagkaloob din ang Japan ng grant aid na nagkakahalaga ng 1.63 bilyong Japanese yen o P612 milyon para sa pagtatayo ng wireless broadband connectivity sa Sulu archipelago upang mapabuti ang digital access sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Ayon kay Lazaro, ang mga kasunduang ito ay sumasalamin sa lumalawak na estratehikong partnership ng dalawang bansa, lalo na’t ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-70 anibersaryo ng normalisasyon ng kanilang diplomatikong relasyon. Sinabi naman ni Motegi na determinadong palalimin pa ng Japan ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas tungo sa pagsasakatuparan ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Bukod sa seguridad, nagpahayag din ang Japan ng kahandaang tumulong sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa Pilipinas tulad ng mga riles, flood control, at disaster management, pati na rin ang pagpapatibay ng supply chain para sa mga kritikal na mineral. (Limuel Tolentino)
