INAMIN ng kontrobersyal na kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya ang kanyang malalim na pagsisisi sa pagbulgar sa sistema ng korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos siyang gawin umanong “sacrificial lamb” habang malaya ang mga pulitiko.
Ayon sa source na malapit kay Discaya, na tumangging magpabanggit ng pangalan para sa kanyang kaligtasan, sinabi ng naturang kontraktor na ang pagbubunyag nila tungkol sa 25% hanggang 30% na “SOP” o kickback na hinihingi ng mga pulitiko ang naging mitsa ng pagkakakulong ng kanyang asawa si Sarah at ang pagkakasangkot ng kanilang pamilya sa malaking iskandalo.
Dagdag pa ng source, inamin din ni Discaya na kung alam lang niya na sila ang mapapasama, sana ay “nakisama” na lamang sila sa bulok na sistema.
“Nagsisisi ako na pinangalanan ko pa ang mga pulitiko na ‘yun. Sana hindi na lang namin binulgar ang sistema. Noong pinangalanan namin sila, kami pa ang naging masama,” pahayag niya.
Aniya, ginagawa silang panakip-butas upang hindi umabot ang imbestigasyon sa “itaas” o sa administrasyon, lalo na’t marami sa mga dating kaalyado ng mga Duterte ay lumipat na sa panig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Mariin ring itinatanggi ni Discaya ang mga ulat na “ghost projects” ang kanilang mga nasungkit na kontrata.
Ipinaliwanag niya na ang umano’y P180 bilyong halaga ng mga proyekto ay naipon sa loob ng 20 taon at hindi nakuha sa isang bagsakan lamang.
“Panay kalsada ‘yun, panay eskwelahan. Paano magiging ghost? Wala kaming ghost dahil na-o-audit ‘yan ng COA,” ani Discaya.
Dagdag pa niya na ang maling impormasyon tungkol sa mga ghost projects ay posibleng nagmula sa maling coordinates o kaya ay manipulasyon ng ilang opisyal sa DPWH upang mabilis na makakuha ng pondo na “ididirekta sa taas.”
Bagaman aberya ang inabot ng kanyang pamilya, ibinahagi ni Discaya na may “magandang” naidulot ang kanilang pag-iingay.
Ayon sa kanyang mga source sa industriya, naging maingat na ang mga pulitiko ngayon at bumaba na sa 10% ang hinihinging SOP mula sa dating 30%.
“Naging sigurista na rin ang mga contractor. Nakita nila na pagkatapos kaming hingan ng pera at i-extort sa SOP, sa dulo ay gagawin lang kaming sacrificial lamb,” dagdag pa niya.
Sa huli, naniniwala si Discaya na biktima sila ng laro sa pulitika at ginagamit lamang ang kanilang kaso upang ipakita na may napaparusahan ang administrasyon, kahit na ang mga “big fish” sa gobyerno ay nananatiling protektado. (Arnold Pajaron Jr)
