CALOOCAN CITY – Kalaboso ang isang 40-anyos na delivery driver matapos itong madakip ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest nitong madaling araw ng Lunes, Enero 6, 2026.
Ang suspek, na kinilala sa alyas na “Boi,” ay naaresto sa kaniyang tinutuluyan sa Ipil St., Barangay 179, Amparo, matapos ang isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station (CCPS) Sub-Station 15.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 10(A) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Ang operasyon ay pinamunuan ni PLT Gabriel M. Serrano, OIC ng Sub-Station 15, kasama ang kaniyang mga tauhan sa paligid ng alas-2:00 ng madaling araw kung saan kasama pa ng akusado ang kaniyang kasintahan nang maganap ang pag-aresto.
Ang warrant of arrest ay inisyu noong Disyembre 23, 2025, ni Judge Glenda Cabello Marin ng Regional Trial Court (RTC) Branch 124 ng Caloocan City.
Inirekomenda ng hukuman ang piyansang nagkakahalaga ng P80,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Bago tuluyang ipinasok sa selda ng Sub-Station 15, dinala muna ang suspek sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium para sa pagsasagawa ng medikal at pisikal na pagsusuri.
Kasalukuyan nang inihahanda ng kapulisan ang mga kaukulang dokumento para sa pormal na pagbabalik ng warrant sa kinauukulang korte. (Ulat ni Respondeng Rakiztah)
