Sa isang sorpresang operasyon na huling nakita noong dekada ’80, matagumpay na nadakip ng mga tropa ng Estados Unidos si President Nicolas Maduro nitong Sabado, Enero 3.
Kinumpirma ni US President Donald Trump sa pamamagitan ng isang post sa Truth Social na matagumpay ang “large scale strike” laban sa Venezuela. Ayon kay Trump, nabihag si Maduro kasama ang kanyang asawa at agad na inilabas ng bansa.
Ang operasyong ito ang itinuturing na pinakamalaking direktang pakikialam ng Washington sa Latin America mula noong pagsalakay sa Panama noong 1989 upang patalsikin si Manuel Noriega.
Ayon sa isang opisyal mula sa Reuters, mga elite special forces ng US ang nagsagawa ng pagbihag kay Maduro. Isinagawa ang operasyon sa gitna ng mga akusasyon ng US na ginawang “narco-state” ni Maduro ang Venezuela at dinaya ang nakaraang halalan.
Bago ang kumpirmasyon ng pagkakadakip, niyanig ng mga pagsabog ang kabisera na Caracas dakong alas-2 ng madaling araw. Ayon sa mga saksi, nakakita sila ng makapal na usok at orange na liwanag sa kalangitan.
Niyanig din anila ng pagsabog ang mga base militar ng Fuerte Tiuna at La Carlota.
Bukod pa rito, nagkaroon ng malawakang power outage sa katimugang bahagi ng lungsod.
Agad na nagdeklara ng National Emergency ang gobyerno ng Venezuela at pinakilos ang kanilang mga tropa bilang tugon sa pag-atake na naganap din sa mga estado ng Miranda, Aragua, at La Guaira.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag ang gobyerno tungkol sa kinaroroonan ni Maduro, mariing nanawagan ng paglaban si Defense Minister Vladimir Padrino.
” Free, independent and sovereign Venezuela rejects with all the strength of its libertarian history the presence of these foreign troops, which have only left behind death, pain and destruction,” ani Padrino sa isang video broadcast.
Kinondena naman ng mga kaalyado ng Venezuela tulad ng Cuba at Iran ang nasabing strike. Tinawag ito ng Tehran na isang malinaw na paglabag sa pambansang soberanya at hiniling ang pakikialam ng UN Security Council.
Inaasahang magbibigay ng karagdagang detalye si President Trump sa isang press conference sa kanyang Mar-a-Lago resort sa Florida dakong alas-11 ng umaga (oras sa US).
Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig ng oposisyon sa Venezuela, sa pangunguna ni Nobel Peace Prize winner Maria Corina Machado, habang hinihintay ang mga susunod na kaganapan sa bansa na nagtataglay ng pinakamalaking oil reserves sa mundo.
