Pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Light Rail Transit Authority (LRTA) at SM Supermalls nitong Disyembre 23, 2025 para sa konstruksyon ng LRT-2 Antipolo Station Interconnection Access Bridge, isang proyektong layong gawing mas ligtas, mas maginhawa, at mas episyente ang paglalakad ng mga pasahero sa pagitan ng estasyon at SM City Masinag.
Ayon sa LRTA, ang proyekto ay magbibigay ng direkta at weather-protected na pedestrian link sa pagitan ng LRT-2 Antipolo Station at ng katabing mall, na inaasahang magpapabuti sa commuter convenience, accessibility, at pangkalahatang urban mobility sa lugar.
Sa ilalim ng MOA, itatayo ang isang ganap na covered interconnecting bridge na may sapat na ilaw, maayos na bentilasyon, CCTV coverage, regular na security patrols, malinaw na directional signage, at mga emergency safety features upang masiguro ang ligtas, komportable, at episyenteng biyahe ng mga pasahero ng LRT-2.
Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng access bridge sa unang quarter ng 2026. Kapag natapos, inaasahang mapapahusay nito ang kaligtasan at daloy ng mga pasahero, lalo na tuwing rush hour at masamang panahon.
Dumalo sa MOA signing ceremony sina LRTA Administrator Hernando T. Cabrera; SM Supermalls Vice President Junias M. Eusebio; Senior Assistant Vice President Ronald Allan D. Brosas; Engr. Jomar R. Lua, OIC Director IV ng Rail Standards and Enforcement Office; Dr. Paul Y. Chua, Deputy Administrator ng LRTA; Evelyn Janeo, OIC ng LRTA Business Development and Public Relations Division; at Atty. Ronald Redentor G. de Veyra, RN, Head Executive Assistant ng LRTA.
Ang proyekto ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LRTA at pribadong sektor na pagbutihin ang koneksyon ng mass transport at mga komersyal na lugar para sa mas maayos at ligtas na karanasan ng mga commuter. (ART TORRES)
