Pumanaw ang komedyanteng si Doughlas Arthur Supnet, mas kilala sa screen name na Kuhol, ilang araw bago ang Pasko sa edad na 66, kinumpirma ng kanyang pamilya.
Inanunsyo ng kapatid niyang si Carol Supnet ang pagpanaw ng komedyante sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Martes, Disyembre 23. Si Kuhol ay nakilala ng publiko bilang sidekick ng beteranong aktor at direktor na si Jun Urbano sa pelikulang “Juan Tamad at Mister Shooli: Mongolian Barbecue” noong 1991.
“Share your laughter in heaven, Manong Philip… We will miss you our ‘little-big’ brother… We love you… May you rest in peace, Amen,” pahayag ni Carol Supnet.
Wala pang inilalabas na detalye ang pamilya hinggil sa sanhi ng kanyang pagkamatay.
Isinasagawa ang lamay ni Kuhol sa Ascension of Our Lord Parish sa Quezon City mula Martes, Disyembre 23 hanggang Biyernes, Disyembre 26.
Bukod sa “Mongolian Barbecue,” naging bahagi rin si Kuhol ng ilang pelikulang komedya tulad ng “Juan & Ted: Wanted” (2000) kasama sina Bayani Agbayani at Janno Gibbs; “Matalino Man Ang Matsing Naiisahan Din!” (2000) kasama sina Eddie Garcia, Rez Cortez, Willie Revillame at Rico J. Puno; at “Walang Iwanan… Peksman!” (2002) na pinagbidahan nina Jinggoy Estrada, Judy Ann Santos at Agbayani.
Kabilang sa kanyang mga huling proyekto ang pelikulang “Nagalit ang Patay sa Haba ng Lamay: Da Resbak” noong 2023.
