Akala mo ordinaryong guro, estudyante o construction worker sa Facebook—pero pekeng persona pala.
Isang malawak at lihim na operasyon ng bayarang “keyboard warriors” ang umano’y pinatatakbo sa Pilipinas para impluwensiyahan ang opinyon ng publiko pabor sa China, ayon sa mga dokumentong nakuha ng Rappler.
Sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea, lumitaw ang alegasyon na isang lokal na kompanya—ang InfinitUs Marketing Solutions—ang umano’y kinuha ng Chinese embassy para magpalaganap ng pro-China propaganda at wasakin ang tiwala ng mga Pilipino sa sariling gobyerno.
Batay sa mga dokumento, daan-daang pekeng Facebook at X accounts ang ginamit—may katauhan bilang guro, estudyante, at ordinaryong manggagawa—pero lahat ay kontrolado ng iisang “social media army.”
Ayon sa mga guideline, may humigit-kumulang 300 Facebook accounts at 30 X accounts na pinamamahalaan ng 11 operatiba, kung saan bawat isa ay inaatasang magpanatili ng hindi bababa sa 20 magkakaibang online persona. Inaatasan din ang bawat miyembro na makapaglabas ng 700 hanggang 1,000 komento at shares kada buwan, partikular sa mga post na kritikal sa China.
Kasama rin sa umano’y operasyon ang pagmonitor at pag-atake sa mga anti-China na pahayag, pati na ang pagpapalaganap ng mga mensaheng kumukuwestiyon sa tindig ng pamahalaan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at maging ang pagbatikos sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong Abril 2025, unang napasailalim sa publiko ang InfinitUs nang akusahan ni noo’y senador Francis Tolentino ang Chinese embassy ng pagkuha sa naturang kompanya upang magpalaganap ng pro-China propaganda. Iniharap niya ang umano’y kontrata ng serbisyo, tsekeng mula sa Chinese government, at mga larawang nagpapakitang may partisipasyon ang mga empleyado ng InfinitUs sa aktibidad ng embahada ng China.
Mariing itinanggi ng InfinitUs ang mga paratang, sinasabing peke ang kontrata at gawa-gawa lamang upang umangkop sa isang “political narrative.” Gayunman, inamin ng kumpanya na ang tsekeng ipinakita ay totoo ngunit umano’y “legal at may sapat na basehan.”
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Chinese embassy kaugnay ng pinakabagong detalye ng ulat, sa kabila ng paulit-ulit na pagtatangka ng Rappler na humingi ng kanilang panig.
Nagbabala ang mga eksperto sa seguridad na ang ganitong uri ng operasyon ay bahagi ng tinatawag na cognitive warfare, kung saan ang layunin ay impluwensiyahan at pahinain ang tiwala ng publiko sa demokratikong institusyon nang hindi gumagamit ng dahas. Ayon sa kanila, ang ganitong taktika ay mas mura at mas mahirap matukoy kaysa tradisyunal na digmaan.
Ipinunto rin ng mga eksperto na nananatiling bulnerable ang Pilipinas sa ganitong uri ng banta sa digital na espasyo, habang wala pang malinaw at sapat na batas na direktang tumutugon sa isyu ng foreign information interference.
Sa kabila ng mga hakbang ng pamahalaan at sektor ng seguridad, binigyang-diin ng mga analyst ang pangangailangan ng isang whole-of-society approach, kabilang ang mas pinalakas na edukasyon sa critical thinking at digital literacy, upang maprotektahan ang publiko laban sa mga lihim at organisadong operasyon ng disimpormasyon. (Limuel Tolentino)
