Bagsak sa selda ang isang street-level drug pusher matapos masakote sa isang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay San Juan, Cainta, madaling-araw ng Disyembre 19, 2025.
Batay sa report na ipinadala kay Rizal PNP Provincial Director Police Colonel Feloteo A Gonzalgo, kinilala ang suspek sa alyas na “Anthony,” na inaresto ng Station Drug Enforcement Team ng Cainta Municipal Police Station (MPS) bandang 2:10 ng madaling-araw sa Saint Margaret Street, Janss Enville Subdivision.
Sa operasyon na isinagawa na may PDEA coordination at gamit ang alternative recording device (ARD), nakuha sa suspek ang limang pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 12 gramo at tinatayang halagang P81,600.
Bukod sa droga, nasamsam din ng pulisya ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number, apat na bala, isang sling bag, isang coin purse, at tatlong tig-P500 na perang ginamit sa buy-bust.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at pormal na isinailalim sa imbestigasyon dakong 4:40 ng umaga sa parehong petsa.
Sasampahan si “Anthony” ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, gayundin sa Republic Act 10591 kaugnay ng ilegal na pag-iingat ng baril at bala.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa Cainta upang masugpo ang kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad. (Arnold Pajaron Jr)
