Kalaboso ang bagsak ng isang regional-level Most Wanted Person matapos masakote ng pulisya sa isang operasyon sa Barangay Cupang, Antipolo City, hapon ng Disyembre 19, 2025.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Teleboy,” na ika-9 sa listahan ng Regional Most Wanted Persons. Dinakip siya ng Tracker Team ng Antipolo Component City Police Station (CCPS) bandang 2:40 ng hapon sa St. Therese Street, Peñafrancia.
Ayon sa pulisya, inaresto si Teleboy sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng tatlong bilang ng Lascivious Conduct sa ilalim ng Republic Act 7610 at Statutory Rape alinsunod sa Revised Penal Code na inamyendahan ng RA 8353 at RA 11648, kaugnay ng RA 8369.
Ang warrant ay inilabas ni Judge Anna Zita B. Abuda-Caballegan ng Family Court, Branch 17, Antipolo City, nitong Disyembre 19, 2025, sa ilalim ng Criminal Case Nos. 25-90881 hanggang 25-90884.
Itinakda ng korte ang P200,000 piyansa bawat kaso para sa tatlong bilang ng kahalayan, habang walang inirekomendang piyansa para sa kasong statutory rape, na itinuturing na non-bailable offense.
Agad na dinala ang suspek sa kustodiya ng Antipolo CCPS para sa dokumentasyon at paghahain ng kaukulang kaso, habang pinuri naman ng pulisya ang matagumpay na operasyon laban sa mga high-profile na pugante sa lungsod.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa Antipolo City. (Arnold Pajaron Jr)
