Patay ang isang bus driver matapos barilin sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang suspek habang minamaneho ang kanyang sasakyan sa kahabaan ng Marcos Highway malapit sa Kanto Padilla, Barangay San Isidro, Antipolo City, madaling-araw ng Disyembre 19, 2025.
Ayon sa ulat ng Antipolo City Police Station (CCPS), naganap ang insidente bandang 2:50 ng madaling araw at ini-report dakong 3:30 ng madaling sa parehong araw.
Batay sa paunang imbestigasyon at salaysay ng isang saksi, nagmamaneho ang biktimang si alyas Jefferson kasama ang mga pasahero nang bigla silang pahintuin ng isang lalaki na nagpanggap umanong pasahero. Makalipas ang ilang minuto, tinanong ng suspek ang biktima kung magkano ang pamasahe patungong Cubao.
Sumagot umano ang biktima na P88 ang pamasahe, nang bigla na lamang bunutin ng suspek ang isang baril na hindi pa natutukoy ang kalibre at agad na pinaputukan sa ulo ang driver, nang walang anumang babala.
Matapos ang pamamaril, agad bumaba ang suspek sa sasakyan at tumakas patungong Sitio Cabading, sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaking suspek.
Idineklara siyang dead on arrival sa pagamutan ang biktima.
Inilarawan ang mga suspek bilang dalawang lalaking nakasuot ng itim na hoodie jacket at itim na “nut shell” helmet, sakay ng itim na Suzuki Smash na walang plaka.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit at imbestigasyon ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek. Sinusuri rin ang mga CCTV camera sa lugar at mga posibleng dinaanan ng mga suspek matapos ang krimen. (Arnold Pajaron Jr)
