Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes, Disyembre 16, na ang dalawang umano’y gunman sa madugong mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, Australia ay dumaan at nagbiyahe sa Pilipinas ilang linggo bago ang pag-atake.
Ayon sa BI, sina Sajid Akram, 50, isang Indian national at residente ng Australia, at ang kanyang anak na si Naveed Akram, 24, isang Australian national, ay dumating sa bansa noong Nobyembre 1 sakay ng Philippine Airlines Flight PR212 mula Sydney patungong Manila, at nagtuloy sa Davao.
Gumamit si Sajid ng Indian passport, habang Australian passport naman ang ginamit ng kanyang anak. Sabay umano silang dumating sa nasabing flight.
Iniulat ng BI na umalis din ang mag-ama noong Nobyembre 28 sakay ng parehong flight number, PR212, mula Davao via Manila pabalik ng Sydney—ilang linggo bago ang pamamaril na ikinamatay ng 15 katao.
Ang pag-atake noong Linggo ay itinuturing na pinakamatinding mass shooting sa Australia sa loob ng halos 30 taon at kasalukuyang iniimbestigahan bilang isang teroristang pag-atake na umano’y target ang Jewish community.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ano ang eksaktong mga aktibidad ng dalawang suspek habang nasa Pilipinas, o kung may iba pa silang pinuntahang lugar matapos lumapag sa Davao, isang lungsod sa Mindanao—rehiyong minsan nang pinamugaran ng mga teroristang grupo, kabilang ang mga ISIS-linked factions.
Matatandaang noong 2017, sinakop ng mga militanteng inspirasyon ng Islamic State ang ilang bahagi ng Marawi City sa loob ng limang buwan, na nauwi sa malawakang opensibang militar. Ang Marawi siege, na itinuturing na pinakamalaking labanan sa bansa mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay nagpalikas ng humigit-kumulang 350,000 residente at ikinasawi ng mahigit 1,100 katao, karamihan ay mga militante.
Samantala, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bine-verify pa nito ang mga ulat kaugnay sa pagbiyahe ng mga suspek. Sa isang pahayag, iginiit ng AFP na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya hinggil sa galaw ng mga dayuhang mamamayan at sa anumang posibleng ugnayan sa terorismo. (Limuel Tolentino)
