Ipinakita ng staff ng Bell-Kenz Pharma ang wastong cardiopulmonary resuscitation (CPR) techniques sa mga miyembro ng media sa idinaos na Kapihan ng Samahang Plaridel media forum nitong Lunes, Disyembre 15, 2025, sa Maynila.
Ang demonstrasyon ay bahagi ng Sagip CPR advocacy ng kumpanya na layong magsanay ng hanggang isang milyong Pilipino sa mga life-saving CPR skills upang makatulong sa mga kaso ng biglaang cardiac arrest.
Sa forum, ipinaliwanag ni Bell-Kenz Pharma Director Dr. James Cayetano na tumataas ang insidente ng heart attack at stroke tuwing mga buwan ng Nobyembre hanggang Enero, partikular sa panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Cayetano, ilan sa mga dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang labis na pagkain, stress, at pag-inom ng alak. Binanggit din niya ang tinatawag na “Holiday Heart Syndrome,” isang kondisyon na dulot ng binge drinking na maaaring humantong sa abnormal na tibok ng puso, paghinto ng paghinga, at atake sa puso.
Pinaalalahanan niya ang publiko na umiwas sa labis na pag-inom at sundin ang tamang moderation: dalawang bote lamang ng beer, isang baso ng wine, o isang shot ng hard liquor. Hinikayat din niya ang pagkain ng low-salt, low-fat at high-fiber diet upang maiwasan ang altapresyon at sakit sa puso.
Idiniin ni Cayetano na nananatiling number one killer sa Pilipinas ang cardiovascular disease, habang ang hypertension ay tinaguriang “silent killer” dahil madalas wala itong sintomas. Aniya, mahalaga ang regular na pagmo-monitor ng blood pressure at tuloy-tuloy na pag-inom ng maintenance medicines.
Kasunod nito, isinagawa ang hands-only CPR demonstration gamit ang mannequins upang ipakita sa media kung paano makakatulong ang ordinaryong mamamayan sa mga biktima ng cardiac arrest habang hinihintay ang mga medical responders.
Binigyang-diin sa forum na karamihan ng mga atake sa puso ay nangyayari sa bahay o pampublikong lugar at hindi sa ospital, kaya’t mahalaga ang agarang CPR sa loob ng unang ilang minuto upang maiwasan ang permanenteng pinsala sa utak o kamatayan.
Hinimok din ng mga tagapagsalita ang mas mabilis na implementasyon ng mga batas kaugnay ng basic life support training at paglalagay ng Automated External Defibrillators (AEDs) sa mga lugar na maraming tao tulad ng malls, airport, bus terminals at gyms.
Sa pamamagitan ng Sagip CPR advocacy, layon ng Bell-Kenz Pharma na palakasin ang kaalaman ng publiko upang mas maraming Pilipino ang maging handang tumugon sa mga emerhensiya at makapagsalba ng buhay. (Mina Paderna)
