Kinumpirma ni Antipolo Mayor Jun Ynares na naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang driver na nanakit sa isang ama habang kasa-kasama ang kanyang anak na batang babae na nagtutulak ng kariton, matapos umanong masagi ng kariton ang minamaneho nitong puting Toyota Hilux.
Ayon sa alkalde, agad na umaksyon ang LTO matapos ang insidente upang matiyak na mapapanagot ang responsable sa kaguluhan sa kalsada.
“Matapos natin makipag-ugnayan kagabi sa LTO Central, nagpalabas na ito ng show cause order sa may-ari ng sasakyang involved sa traffic altercation. Sisiguraduhin po natin na mapapanagot ang may sala,” pahayag ni Ynares.
Sa viral video na kumalat sa social media, makikita ang drayber na walang-awang hinampas sa ulo ang magkakariton sa harap mismo ng kanyang anak na menor de edad, na kitang-kitang napapalahaw sa iyak dahil sa matinding takot.
Dahil sa pakikipag-ugnayan ni Mayor Ynares, agad inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang LTO–Intelligence and Investigation Division (IID) na mag-isyu ng Show Cause Order (SCO) laban sa drayber, kasabay ng pagpapatupad ng 90 araw na preventive suspension sa kanyang driver’s license.
Ayon sa SCO, kailangang magpaliwanag ang motorista kung bakit hindi dapat suspendihin o tuluyang i-revoke ang kanyang lisensya dahil sa paglabag bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Inatasan din ang drayber at ang registered owner ng Toyota Hilux na magsumite ng notarized na paliwanag kaugnay ng insidente.
Nagbabala ang LTO na posibleng tuluyang bawiin ang lisensya ng drayber. Ang hindi pagdalo sa itinakdang pagdinig ng LTO-IID ay ituturing na pagwawalang-bahala sa karapatang marinig ang kanyang panig, gayundin ng may-ari ng sasakyan.
“Hindi kukunsintihin ng ahensya ang ganitong asal sa lansangan. Kung totoo man ang mga paratang ayon video, dapat managot ang driver. Tinitiyak natin sa publiko na bibigyan natin ng hustisya ang insidenteng ito,” ani Lacanilao.
Samantala, nanawagan din si Mayor Ynares sa publiko (motorista man o hindi) na pairalin ang disiplina sa lahat ng pagkakataon upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa lansangan.
“Disiplina po sa lahat ng bagay sa buhay ang dapat nating isabuhay upang makaiwas sa ganitong sitwasyon,” dagdag ng alkalde. (Arnold Pajaron Jr)
