Larawan mula sa PDEG
Limang high-value targets ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa isang joint anti-illegal drug operation sa Barangay Napindan, Taguig City noong Disyembre 13, 2025, na nagresulta sa pagkakasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P176 milyon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Randulf Tuaño, isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng C6 Aura Duterte Street sa pangunguna ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa pamamagitan ng Special Operations Unit NCR, katuwang ang Southern Police District Intelligence Division at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) NCR.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina John Walter Bernaldo Carlos, Danny San Jose Ordoñez, Joniel Coricor Almeda, Alvin Zabala Escovidal, at Elmer Rabanes, na umano’y may mahahalagang papel sa isang organisadong sindikato ng ilegal na droga na nag-o-operate sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush, 140 marijuana oil cartridges, at sari-saring smuggled cigarettes.
Ayon sa pulisya, ang operasyon ay hindi lamang malaking huli kundi malaking dagok din sa aktibong drug distribution network.
Narekober din sa operasyon ang isang Glock 17 firearm na may bala, buy-bust money, mga mobile phone, at identification cards. Ang lahat ng suspek at ebidensya ay nasa kustodiya na ng PNP Drug Enforcement Group, habang isinailalim na sa forensic examination ang mga nakumpiskang droga.
Sinabi ni Tuaño na ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa tamang pre-operational procedures at nakabatay sa matibay na intelligence work. Gumamit din ang mga operatiba ng alternative recording devices upang matiyak ang transparency at accountability.
Binigyang-diin ng PNP na sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mas pinagtutuunan ng pansin ng organisasyon ang disiplinadong operasyon at konkretong resulta kaysa sa publisidad.
“The result was not accidental. It came from preparation, discipline, and leadership that stays focused on execution,” ani Tuaño.
Patuloy ang imbestigasyon at paghahanda ng kaso laban sa mga naarestong suspek habang pinalalakas pa ng PNP ang kampanya kontra ilegal na droga sa bansa. (Arnold Pajaron Jr)
