Larawan mula sa DepEd
Nakatakdang isagawa ng Department of Education (DepEd) ang soft launch ng DepEd TV sa pakikipagtulungan sa Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) at Solar Learning, bilang bahagi ng pagpapalawak ng broadcast-based learning platforms ng ahensya para sa mas malawak at patas na access sa 21st century education.
Ayon sa DepEd, ang hakbang ay alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Education Secretary Sonny Angara na palakasin ang learning recovery at modernisahin ang paghahatid ng edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng kolaborasyon, ipapalabas ang curriculum-aligned DepEd TV content sa on-air, online at offline platforms ng Knowledge Channel, na susuportahan ng broadcast infrastructure ng Solar Learning. Saklaw nito ang cable, direct-to-home satellite at digital terrestrial television, pati na rin ang digital learning resources at offline solutions gaya ng school-based TV packages at portable media libraries para sa mga paaralang may limitadong internet access.
Tungkulin ng KCFI ang pag-package at pagprograma ng mga araling nakaayon sa kurikulum ng DepEd para sa broadcast at offline deployment, lalo na sa mga komunidad na may mababang koneksyon.
Sinabi ni Angara na malaking tulong ang DepEd TV sa pagbawas ng learning gaps at sa pagpapalakas ng access sa dekalidad na edukasyon.
“Kung mas marami tayong paraan para makarating ang dekalidad na aral sa bawat tahanan at paaralan, mas malapit tayo sa pangarap ng Bagong Pilipinas. DepEd TV will help us close learning gaps by bringing structured, curriculum-based lessons directly to our students,” ani Angara.
Ayon naman kay Rina Lopez, presidente at co-founder ng Knowledge Channel Foundation Inc., layon ng kanilang organisasyon na dalhin ang mga istrukturadong aralin sa mas maraming mag-aaral, guro at pamilya, lalo na sa mga lugar na may problema sa internet connectivity.
Ipinahayag din ni Wilson Y. Tieng ng Solar Learning na sa pamamagitan ng pagbibigay ng dedicated digital broadcast channel para sa DepEd TV, direktang namumuhunan ang kanilang grupo sa kinabukasan ng bansa at sa karapatan ng bawat bata sa epektibong pagkatuto.
Sa soft launch, ilulunsad ang daily programming schedule na magtatampok ng mga aralin mula Early Childhood Development hanggang Grade 10, na inayos sa mga learning blocks tulad ng English, Filipino, Math, Science, Araling Panlipunan at MAPEH para sa School Year 2025–2026.
Dagdag pa ni Angara, makatutulong ang mga programa sa pagpapalakas ng pagbasa at pagbilang ng mga mag-aaral, lalo na sa Kinder at Grades 1 hanggang 3, habang magkakaroon din ng Early Childhood Series para sa mga magulang at guro tuwing weekend.
Ang DepEd TV ay mapapanood sa Knowledge Channel sa loob ng 16 oras kada araw mula alas-6 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi sa SkyCable, SkyTV, Cablelink, PCTA-affiliated cable operators, at sa direct-to-home platforms gaya ng Cignal at Satlite.
Tiniyak ng DepEd na magpapatuloy ang pagkatuto kahit suspendido ang face-to-face classes, kabilang na ang mga mag-aaral na nasa evacuation centers. Kasama sa technical plan ang simulcast broadcast, delayed telecasts, at satellite feed integration upang matiyak ang malawak at tuloy-tuloy na saklaw.
Sa paunang yugto, saklaw ng Solar Learning ang NCR at piling lalawigan sa Luzon, na inaasahang palalawakin matapos ang phased testing at quality checks. Gagamitin ng DepEd ang soft launch upang suriin ang performance ng broadcast at accessibility sa mga rehiyon bago ang pormal na nationwide rollout. (Arnold Pajaron Jr)
