Nanawagan ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na gawing normal ang mga talakayan hinggil sa ligtas na pakikipagtalik at Human Immunodeficiency Virus (HIV) testing, kasabay ng babala na ang stigma at pananahimik ay patuloy na nagpapalala sa tinawag niyang isang “silent epidemic” sa bansa.
Sinabi ni Health Promotion Bureau (HPB) Director Tina Marasigan na hangga’t nananatiling sensitibo at ikinahihiya ang usapin ng safe sex, mananatiling mataas ang panganib ng pagkalat ng HIV.
“Hangga’t hindi tayo komportableng pag-usapan ang safe sex, hindi tayo ligtas mula sa HIV. Kapag ikinahihiya natin ang usaping ito, hindi rin natin matututunan kung paano mapoprotektahan ang ating sarili,” pahayag ni Marasigan sa ginanap na World AIDS Day Community Event ng DOH sa Lyceum of Alabang sa Muntinlupa.
Binigyang-diin niya na hindi magiging sapat ang mga hakbang sa pampublikong kalusugan kung walang bukas na espasyo para sa dayalogo, lalo na para sa kabataan. Hinamon niya ang mga guro, guidance counselors at mga opisyal ng kalusugan na makinig at makipag-usap nang bukas sa nakababatang henerasyon.
Ayon kay Marasigan, malinaw ang pangangailangan na labanan ang stigma sa HIV, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa bansa. Batay aniya sa mga pag-aaral, 61 katao ang nahahawahan ng HIV araw-araw.
“Isa itong tahimik na epidemya,” ani Marasigan.
Nanawagan din siya sa iba’t ibang sektor na aktibong makibahagi sa pagbabasag ng mga hadlang sa sex education at HIV awareness. Aniya, kapag naging bukas ang talakayan sa sex, susunod ding mawawala ang stigma sa HIV.
“Kung maaalis natin ang hiya sa pag-uusap tungkol sa sex, mawawala rin ang stigma sa HIV,” dagdag niya.
Hinikayat din ni Marasigan ang publiko na gawing normal ang pagpapasuri para sa HIV at ang pagtatanong tungkol sa kalusugang sekswal. Aniya, ang pagtatanong ay tanda ng malasakit sa sariling kaligtasan at hindi dapat husgahan.
“Dapat maging normal at katanggap-tanggap ang magpa-test. Huwag mahiyang magtanong dahil ito ang pintuan sa kaalaman at proteksyon,” aniya.
Batay sa datos na inilatag ng DOH sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography noong Disyembre 9, tinatayang 217,700 katao na ang nabubuhay na may HIV sa Pilipinas.
