Matagumpay na napanatili ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kanilang ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS) Certification matapos pumasa sa masusing surveillance audit ng TÜV SÜD PSB, ayon kay Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.
Sa limang araw na audit mula Nobyembre 24 hanggang 28, sinuri ng team na pinangunahan ni Auditor Orlan Tiongson, kasama sina Jayzer Aquino at Mel Gibbson Ogay, ang mahahalagang proseso sa Admission, Security, Reformation, Support to Operation at Release Process sa tatlong pangunahing penal farms: Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF), Leyte Regional Prison (LRP), at New Bilibid Prison (NBP).
Kabilang sa itinuturing na notable findings ng auditors ang pagkilala sa BuCor Head of Agency bilang “Modern Hero Awardee,” simbolo ng lideratong nagdadala ng positibong pagbabago sa sistema.
Kinilala rin ang patuloy na zero-incidence record ng torture na kinumpirma mismo ng Commission on Human Rights, patunay ng pangangalaga sa dignidad at karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Nakuha rin ng BuCor ang “HR Prime” certification mula sa Civil Service Commission at pinuri sa matagumpay na pagho-host ng Asia-Pacific Regional Correctional Conference (ARCC). Pinamangha rin ang mabilis at epektibong release rate ng PDLs, indikasyon ng maayos na patakbo ng Release Process.
Ayon sa auditors, napansin din ang maayos at magalang na pakikitungo ng BuCor personnel sa PDLs—kabilang ang paggamit ng pagbati at pag-salute, na nagpapakita ng repormadong kultura sa mga pasilidad.
Mula sa sampung minor non-conformities noong 2024, bumaba ito sa dalawa ngayong taon, habang nanatiling zero ang major non-conformities, isang patunay ng tuloy-tuloy na pagsunod ng BuCor sa pandaigdigang pamantayan.
“Isang malaking inspirasyon ang tagumpay na ito. Patunay itong nasa tamang direksyon ang BuCor sa paghatid ng de-kalidad na serbisyo sa ating mga PDL,” ayon kay Catapang.
Samantala, 240 PDL mula NBP ang inilipat nitong Biyernes sa Davao Prison and Penal Farm bilang bahagi ng decongestion program ng ahensya at paghahanda para sa planong pagsasara ng NBP pagsapit ng 2028.
Sinamahan ang convoy ng 80 corrections officers na pinamunuan ni CCINSP Roberto Butawan, kabilang ang BuCor SWAT, medical team, escort group, at mga augmentation mula sa PNP Muntinlupa, PNP Manila, SLEX Patrol, PNP Highway Patrol Group at Philippine Coast Guard. Patuloy na iginigiit ng BuCor na tuloy-tuloy ang kanilang reporma upang matiyak ang mas ligtas, makatao, at epektibong correctional system sa bansa. (Mina Paderna)
