Sinuspinde ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng permits to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa Metro Manila mula Sabado hanggang Lunes bilang paghahanda sa ikalawang “Trillion Peso March.”
Inanunsyo ito ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang memorandum na may petsang Nobyembre 27.
“In view of the Trillion Peso March … permits to carry firearms outside of residence are hereby suspended in Metro Manila from 12:01 a.m. of Nov. 29, 2025 to 11:59 p.m. of Dec. 1, 2025,” ayon sa memo.
Tanging AFP, PNP, at iba pang law enforcement personnel na naka-duty at nakasuot ng opisyal na uniporme ang papayagang magdala ng baril.
Tinatayang 300,000 katao ang dadalo sa ikalawang Trillion Peso March na gaganapin sa Nobyembre 30 sa Metro Manila.
Ang kilos-protesta ay pangungunahan ng mga religious at civil society groups na humihiling ng pananagutan sa umano’y bilyong pisong anomalya sa public works projects.
Ang unang kilos-protesta ay idinaos noong Setyembre 21.
Bagama’t walang namomonitor na seryoso o kredibleng banta sa seguridad, sinabi ng PNP na magpapakalat ito ng mahigit 15,000 pulis sa buong Metro Manila bilang pag-iingat.
Giit ni Nartatez, ang malawakang deployment ay hindi para manakot kundi para tiyaking handa ang pulisya sa anumang sitwasyon.
“The deployment is not about intimidation, it’s about readiness… Our personnel on the ground should be quick in responding to emergencies and any violation of the law,” aniya.
Dagdag pa niya, nananatili ang utos ng maximum tolerance.
Magde-deploy ng mga pulis sa mga pangunahing lugar ng pagtitipon, kabilang ang Rizal Park, People Power Monument, EDSA Shrine at mga lugar malapit sa Malacañang, Senate, at House of Representatives
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa organizers upang matiyak ang maayos at mapayapang pagdaraos ng malaking pagtitipon.
