Tatlo sa mga personalidad na pinaghahanap kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects ang nakikipag-ugnayan na sa mga embahada ng Pilipinas para sa kanilang pagsuko, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Lito Magno nitong Martes.
Ayon kay Magno, mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla ang nagbigay ng impormasyon na may “surrender feelers” na mula sa mga suspek na nasa ibang bansa.
“Meron na pong surrender feelers doon sa mga nasa ibang bansa. Nabaggit po niya na ang tatlo ay nakipag-coordinate na po sa ating Philippine embassies,” pahayag ni Magno sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Nakahain ang arrest warrants laban kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng reklamong inihain ng Ombudsman kaugnay ng umano’y P289-milyong anomalya sa flood control project sa Oriental Mindoro.
Ayon pa sa NBI, maaaring boluntaryong umuwi sa Pilipinas ang mga suspek na nasa abroad.
“Pwede silang makipag-coordinate para sunduin sa ating mga airports. Pwede rin pong magpadala ang gobyerno ng law enforcement agents para sunduin sila kung nanaisin,” dagdag ni Magno.
Samantala, tuloy-tuloy umano ang pag-monitor ng NBI sa galaw ni Co, na huling namataan umano sa Japan batay sa impormasyon ni Remulla.
Nang magsilbi ng warrant sa bahay ni Co, nakapasok umano ang mga awtoridad at nakakita ng mga vault, maleta, at kahon. Gayunman, hindi ito nabuksan dahil sa kakulangan ng search warrant. Hindi pa umuuwi ng bansa si Co, dahil sa umano’y pangamba sa kaniyang kaligtasan.
Sa mga nakaraang video, inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na nasa likod ng umano’y korapsyon.
