Unveiling of Marker. Photo courtesy of Professional Regulation Commission (PRC)).
ROSALES, PANGASINAN — Dalawang kompanyang pag-aari ng mga kamag-anak ni Rosales Mayor William Cezar ang umano’y kumorner sa kabuuang P5.89 bilyon na halaga ng mga proyektong imprastruktura ng gobyerno, batay sa isinagawang pananaliksik ng Rappler.
Ang WJP Construction and Supply at Z-5 Construction Inc., parehong nakabase sa Rosales, ay pagmamay-ari ng ama ng alkalde na si Perfecto Cezar, kasama ang iba pang miyembro ng pamilya Cezar na may bahagi rin sa operasyon ng Z-5.
Mula 2016 hanggang 2025, nakakuha ang WJP ng 191 proyekto mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng P4.99 bilyon, dahilan upang mapabilang ito sa top 10 contractors sa Ilocos Region. Samantala, nakakuha naman ang Z-5 ng P891.6 milyon sa parehong panahon.
Sa tala, 43 sa 191 proyekto ng WJP (22%) ay ipinatupad mismo sa bayan ng Rosales — kabilang ang road construction, flood control, at multi-purpose buildings. Lahat ng proyekto ng WJP sa Rosales para sa 2025, na aabot sa P579 milyon, ay flood control works — isang sektor na kasalukuyang iniimbestigahan matapos ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang katiwalian sa mga proyektong ito.
Mabilis din ang paglobo ng halaga ng mga kontrata ng WJP: mula P161 milyon noong 2020 ay naging P380 milyon noong 2021 (136% na pagtaas), at umakyat sa P779.5 milyon noong 2022, taon na manalong alkalde si William Cezar. Umabot pa ito sa P1.09 bilyon noong 2023, bago naitala ang pinakamataas na halaga noong 2025 — P2.22 bilyon. Sa parehong taon, P459 milyon naman ang nakuha ng Z-5.
Ayon kay Mayor Cezar, natapos at maayos umano ang lahat ng proyekto ng kanilang pamilya.
“Walang ghost projects o substandard works. Pinapa-check ko pa nga sa mga municipal engineer ang ilang proyekto,” paliwanag ng alkalde.
Giit pa niya, wala siyang kinalaman sa negosyo ng kanyang pamilya simula nang maupo siya bilang alkalde noong 2022.
“Tiniyak sa akin ng aking ama at kapatid na hindi nila ginamit ang aking posisyon para makaapekto sa anumang kontrata ng mga kompanya,” dagdag ni Cezar.
Si Perfecto Cezar, ama ng alkalde, ang general manager ng WJP, na ipinangalan umano sa mga anak niyang sina William, Jessica, at Percy.
Sa tala ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa 2025, hawak ni Perfecto ang 37.5% shares sa Z-5, habang ang asawa niyang si Chita Cezar (ina ng alkalde) ay secretary at treasurer, na may parehong bahagi ng shares.
Ang kapatid ni Mayor William na si Percy Mae Cezar ang presidente ng Z-5, habang si Jessica Bren Cezar ay nasa board of directors, kapwa may 10% shares. Si Wilmer Carlo Cezar, isa pang kapatid, ay may 5% shares at kasapi rin ng board.
Bagama’t ang mga kontrata ay galing sa DPWH at hindi sa lokal na pamahalaan ng Rosales, nananatiling sensitibo ang isyu dahil sa posibleng conflict of interest.
Alinsunod sa Section 89 ng Local Government Code, ipinagbabawal sa mga lokal na opisyal ang pagkakaroon ng anumang negosyo o transaksyon sa kanilang sariling LGU. Samantala, ayon sa Code of Conduct for Public Officials, hindi rin dapat magkaroon ng financial interest ang mga opisyal sa mga kompanyang nakikipagkontrata sa gobyerno.
Gayunman, iginiit ni Mayor Cezar na wala umanong papel ang LGU sa bidding at awarding ng mga proyekto ng DPWH, na ayon sa kanya ay “kontrolado at pinopondohan ng pambansang pamahalaan.”
Ipinakita ng Rappler Politicontractor series na karaniwang pattern na ang mga pamilyang nasa politika ay konektado rin sa mga kontraktor ng DPWH. Maraming mambabatas ang may kamag-anak na kontraktor, o sila mismo ay may negosyo sa imprastruktura.
Kasalukuyang may mga panukalang batas sa Kongreso na nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na makilahok sa mga kontrata ng pamahalaan, ngunit inaasahang magiging mahigpit ang laban sa pagpasa nito, dahil marami sa mga mambabatas ay may kaugnay ding interes sa mga kontratang pampubliko. (Limuel Tolentino)
