CEBU, Philippines — Wasak at lubog pa rin sa baha ang maraming bayan sa hilagang bahagi ng Cebu matapos ang pananalasa ni Bagyong Tino, na nagdulot ng matinding pagbaha at landslide noong Martes ng gabi, Nobyembre 4.
Sa ulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) noong Nobyembre 6, Liloan ang may pinakamaraming nasawi na 36, kasunod ang Compostela na may 28, habang umabot na sa mahigit 120 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa buong lalawigan.
Ayon sa mga residente, hindi nila inasahang ganito kalakas ang ulan at baha na dulot ni Tino.
“Wa mi magdahom nga ingun ani kadaghan nga tubig ibuhos ni Tino kay anad na man mi sa bagyo. Katong Bagyong Odette, wala man mi casualty diri,” pahayag ni Joel Patalita, residente ng Barangay Cabadiangan sa Compostela.
Ikinuwento ni Patalita na anim sa kanyang mga kapitbahay sa mga karatig-sitio ang nalunod matapos ang biglaang pag-apaw ng Cotcot River. Apektado rin umano ang suplay ng pagkain at kuryente sa kanilang lugar.
“Total blackout sad mi diri, hasta signal wala. Nangaguba na among mga flashlight ug cellphone,” aniya.
Lalong pinahirap ng kalamidad ang sitwasyon sa Cebu, na wala pang dalawang buwan mula nang yanigin ng Magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30.
Nang tumama si Tino sa bayan ng Borbon — mga 30 kilometro lamang mula sa Bogo City, ang epicenter ng lindol — marami sa mga bayan sa hilaga na naapektuhan pa rin ng lindol ang muling tinamaan ng bagyo.
Ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, patuloy ang search and rescue operations, at humingi na sila ng reinforcements mula sa pambansang pamahalaan.
“Maxed out jud atong responders karon (Sagad na talaga ang ating mga rescuer ngayon),” ani Baricuatro.
Sinabi ng Visayan Electric Company na nagpapatuloy ang power restoration efforts sa Consolacion, Compostela, Liloan, Cebu City, Talisay City, Minglanilla, Naga City, at San Fernando.
Sa Barangay Dumlog, Talisay City, higit isang daang bahay sa tabing Mananga River ang tinangay ng rumaragasang baha.
“Arang-arang pa to ang Odette kay katunga pa ang tubig. Times five ang kakusog sa tubig ron,” ayon sa residente na si Lolita Malto, na nakaligtas sa pagguho ng mga bahay.
Sa Compostela, sinabi ni Jassie Malacad ng Barangay Cabadiangan na nilamon ng rumaragasang tubig mula sa Cotcot at Lusaran rivers ang mga bahay sa Sitio Mangga. Ayon sa kanya, maraming residente ang napilitang lumikas dahil sa grabeng pinsala.
“Kung makaahon man sila, matatagalan pa talaga ‘yan,” wika ni Malacad.
Ayon kay PDRRMO head Dennis Pastor, may inilatag nang isang taong recovery plan para sa mga naapektuhan ng lindol — ngunit ngayon ay mas pinalawak pa ito upang isama ang pinsalang dulot ni Tino, lalo na sa pabahay, imprastruktura, at serbisyong pangkalusugan.
Sa ngayon, patuloy pang tinataya ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala.
Ang huling malaking bagyong tumama sa Cebu bago si Tino ay si Bagyong Odette noong 2021, na nag-iwan ng 105 patay — mas mababa kumpara sa trahedyang iniwan ng bagyong Tino na ngayon ay pinakamatinding kalamidad sa lalawigan sa nakalipas na apat na taon. (Limuel Tolentino)
