BILANG paghahanda sa dagsa ng mga biyahero ngayong Undas, iniutos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng regional directors nito na kumilos agad sa lahat ng reklamo at concern ng mga pasahero, lalo na yaong ipinapadala sa LTFRB Hotline 0956-761-0739.
Ang kautusan ay ipinatupad sa ilalim ng direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin at pabilisin ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, mahalagang maging mabilis at epektibo ang pagtugon sa mga reklamo ng mga commuter dahil karamihan dito ay may kinalaman sa kaligtasan sa kalsada at disiplina ng mga drayber.
Kamakailan, agad na inaksyunan ng LTFRB ang reklamo laban sa isang bus company at drayber na sangkot sa pagsasagi sa isang sasakyan sa Quezon City. Tinawag ni Mendoza ang kumpanya matapos umanong umiwas ito sa pananagutan.
“Babaguhin natin ang lumang sistema na ang tagal o kung minsan ay hindi naaksyunan ang mga reklamo ng ating mga kababayang commuter. Hindi na ito puwede sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” mariing pahayag ni Mendoza.
Dagdag pa niya, layunin ng pinalakas na LTFRB Hotline na ipakita sa publiko na handa at mabilis kumilos ang ahensya sa bawat reklamo at hinaing.
“Sa pamamagitan ng LTFRB Hotline, maipapakita natin sa taumbayan na tumutugon kami sa kanilang mga problema. Ito ang paraan para maiparamdam sa kanila ang tunay na serbisyo publiko,” ani Mendoza.
Ipinangako rin ng LTFRB chief na personal niyang babantayan ang pagtugon ng bawat regional office sa mga reklamong dumadaan sa hotline at iba pang komunikasyon platform.
“Panahon ng Undas at milyun-milyong Pilipino ang bumibiyahe, kaya’t dapat mas lalong aktibo at alerto tayo,” dagdag niya.
Gayunman, tiniyak ni Mendoza na hindi lamang tuwing Undas o long weekend magiging aktibo ang LTFRB, kundi araw-araw upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Hinikayat din niya ang taumbayan na isumbong sa LTFRB hotline ang mga abusadong drayber ng pampasaherong sasakyan (PUV).
“Ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan ang susi para mapanatili ang kaligtasan sa kalsada. Hindi namin sila bibiguin,” pagtatapos ni Mendoza. (Mina Paderna)
