Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na hindi na papayagang makalusot ang anumang flood control project na walang Environmental Compliance Certificate (ECC), kasabay ng panawagan para sa mahigpit na pagsunod sa mga pamantayang pangkalikasan.
“Hindi na po tayo papayag noon. Wala pong flood control project, o kahit anong infrastructure project na makakaapekto sa environment, na hindi pwedeng walang ECC,” pahayag ni Dizon sa panayam sa radyo nitong Huwebes, Oktubre 30.
Ang ECC ay ibinibigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos mapag-aralan ang Environmental Impact Assessment (EIA) ng proyekto. Dito nakasaad ang mga kundisyong dapat sundin ng proponent upang masiguro na hindi makasisira sa kalikasan ang proyekto.
Ayon kay Dizon, bahagi ito ng mga repormang ipatutupad ng DPWH upang matiyak na ang mga proyektong flood control ay makatwiran, epektibo, at may pahintulot ng mga eksperto.
“Kung hindi po lulusot ito sa mga eksperto, hindi po ito malalagay man lang sa budget ng gobyerno,” diin ng kalihim.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Oktubre 27, isiniwalat ni Dizon na lahat ng flood control projects na iniimbestigahan ng DPWH ay walang ECC, bagay na labag sa umiiral na mga alituntunin.
Batay sa datos ng DENR, 28% ng mga flood control projects na kanilang sinuri ay tinaguriang maladaptation projects, habang 42% naman ay ghost projects o hindi aktwal na naipatupad.
Babala pa ng DENR Undersecretary Carlos Primo David, ang mga maling lokasyon ng flood control projects ay nagdudulot ng mas malaking pinsala dahil binabago nito ang natural na daloy ng tubig, kaya’t bagama’t ligtas ang isang lugar, naita-transfer naman ang panganib ng pagbaha sa ibang komunidad.
“Tuwing nagbabago tayo ng daloy ng ilog o pinipigil ang tubig, nag-iiba ang volume at bilis ng agos — kaya dapat maingat sa pag-apruba ng ganitong mga proyekto,” babala ni David.
Layunin ng DPWH at DENR na ayusin ang sistema ng flood control projects upang matiyak na ang bawat proyekto ay makatutulong sa mamamayan at hindi makapipinsala sa kalikasan.
