Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang mas detalyadong “line-item” na sistema sa panukalang 2026 national budget upang mabawasan ang puwang para sa korapsiyon at katiwalian sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), binigyang-diin ni Gatchalian, na siya ring chairman ng Senate Committee on Finance, ang pangangailangang baguhin ang sistema ng pagbuo at pagpapatupad ng badyet.
“Let’s take this as a wake-up call to reform our budget nomenclature, process, and implementation,” ani Gatchalian.
Tinukoy ng senador na madalas kulang sa malinaw na detalye ang ilang proyekto, gaya ng mga farm-to-market roads (FMRs), na karaniwang walang nakasaad na station number, geographic coordinates, o eksaktong haba ng kalsada. Dahil dito, mahirap aniyang matukoy kung bago nga ba ang proyekto o dati nang napondohan, isang sitwasyong puwedeng pagmulan ng iregularidad.
“Dapat pagdating sa budget, wala nang room for discretion. Kapag approved na ‘yung budget, i-implement na lang nang tama… nilalagyan ng detalye para walang room ang mga corrupt officials na paglaruan ang generic titles,” giit ni Gatchalian.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang isang proposed road project para sa 2026 na may parehong pangalan sa proyekto na naaprubahan na noong 2025 budget, na maaaring magamit umano sa duplikasyon o maling paggamit ng pondo.
Ayon pa kay Gatchalian, ang “granular” o mas butil-butil na sistema ng pagbubudget ay nakahanay sa adbokasiyang mapataas ang transparency, mapabuti ang alokasyon ng pondo, at mapalakas ang pananagutan ng mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa mga infrastructure project.
“Ang pondong bayan ay dapat ginagamit nang malinaw, detalyado, at tapat — hindi puwedeng maging laruan ng mga tiwaling opisyal,” dagdag ng senador. (MINA PADERNA)
