BILANG paghahanda sa Undas 2025, inanunsyo ng Manila Police District (MPD) ang mga isasarang kalsada at alternatibong ruta sa lungsod simula alas-10 ng gabi ng Oktubre 30 hanggang alas-7 ng gabi ng Nobyembre 3.
Ayon sa MPD, layunin ng traffic rerouting scheme na mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo, partikular sa Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, at Chinese Cemetery, na inaasahang dadagsain ng mga bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Mga isasarang kalsada:
- Blumentritt St. (mula A. Bonifacio hanggang Aurora Blvd.)
- Dimasalang St. (mula Retiro St. hanggang Calavite St.)
- Maceda St. (mula Makiling St. hanggang Dimasalang St.)
- Southbound lane ng Dimasalang Bridge
- Aurora Blvd. (mula Felix Huertas Rd. hanggang Matandang Sora – Chinese Cemetery South Gate)
Mga alternatibong ruta:
- Mga sasakyang galing Dimasalang Road papuntang Blumentritt Road ay dapat kumanan sa Makiling Street.
- Mga sasakyang galing Quezon City via A. Bonifacio Avenue ay dapat kumaliwa sa Labo Street.
- Mga sasakyang galing Maceda St. na patungo sa Dimasalang o Retiro ay dapat kumanan din sa Makiling Street.
Mga itinalagang parking area:
- P. Guevarra St. (mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd.)
- F. Huertas St. (mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd.)
- Oroquieta St. (mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd.)
Samantala, inanunsyo rin ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na bukas ang Manila North Cemetery mula 5 a.m. hanggang 9 p.m. simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, bago ito bumalik sa regular na operasyon pagkatapos ng Undas.
Pinaalalahanan din ng pamahalaang lungsod ang publiko na bawal magpasok ng baril, matutulis na bagay, alak, alagang hayop, sound system, musical instruments, at anumang madaling magliyab na likido sa loob ng sementeryo.
Dagdag ng MPD, maglalagay rin ng Police Assistance Desks (PADs) sa mga pangunahing sementeryo upang agad na matugunan ang mga reklamo o emergency ng publiko. (MINA PADERNA)
