DUMISTANSIYA si Rizal Governor Nina Ricci Ynares sa umiinit na alitan sa lupa sa Hillsdale Summit Subdivision sa bayan ng Angono at iginiit na may kanya-kanyang hurisdiksyon ang mga lokal na awtoridad.
“May mga layer po tayo, di ba? Siyempre nariyan ang PNP, ang barangay, at ang local government units (LGUs),” pahayag ni Ynares sa isang ambush interview sa Tahanang Walang Hagdanan sa Cainta nitong weekend.
“Ayokong lampasan o pangunahan ang ating mga mayor dahil iba ang saklaw ng probinsya, mula kapitolyo hanggang barangay. Kaya ayokong lampasan ang awtoridad ng may hurisdiksyon,” dagdag pa ng gobernadora.
Ang pahayag ni Ynares ay kasunod ng panawagan ng mga may-ari at empleyado ng mga overlooking café at restaurant sa lugar na humihiling ng tulong ng pamahalaan matapos umanong harasin ng isang grupo ng kalalakihan na sinasabing inuupahan ng isang indibidwal na nag-aangking may-ari ng lupa.
Noong Oktubre 13, 2025, isang grupo ng mga lalaki ang umano’y nagbarikada sa gate ng subdivision patungo sa mga café, dahilan upang hindi makapasok ang mga kostumer at pansamantalang maantala ang operasyon ng mga negosyo.
Samantala, tiniyak ni Rizal Police Provincial Director Col. Feleteo Gonzalgo na mananatiling mapayapa at maayos ang sitwasyon sa lugar, ngunit nilinaw niyang hindi saklaw ng Philippine National Police (PNP) ang civil cases at land disputes.
“Ang pulis ay papasok lang kung may request mula sa sheriff para sa demolition o peacekeeping. Pero para sabihing, ‘Ipakita mo ang titulo, ikaw ang may-ari,’ wala kaming awtoridad doon. Hindi namin trabaho tukuyin kung sino ang tama o mali,” paliwanag ni Gonzalgo.
“Ang papel ng pulis ay magpanatili ng kapayapaan at kaayusan, hindi magpasya kung sino ang tunay na may-ari,” dagdag pa niya.
Ayon naman sa local government ng Angono, ang insidente sa Hillsdale ay “police matter” at tiniyak nilang ginagawa nila ang lahat upang maibalanse ang interes ng mga manggagawa habang patuloy ang legal na pagtatalo sa pribadong lupain.
