INAMIN ni bagong talagang Ombudsman Crispin Remulla na bago pa man siya makapagpatupad ng malawakang kampanya laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, kailangan muna niyang linisin ang sariling bakuran ng kanyang tanggapan.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Remulla ang dalawang sensitibong isyu na agad niyang haharapin.
Kabilang dito ang pagbasura sa pork barrel complaint laban kay Senador Joel Villanueva, at ang umano’y “midnight appointments” na ginawa ng kanyang sinundang si retiradong Ombudsman Samuel Martires bago ito bumaba sa puwesto.
Ayon kay Remulla, mahigit 200 posisyon sa Office of the Ombudsman ang pinunan ni Martires bago siya magretiro, kabilang na ang ilang bagong abogado na nabigyan umano ng mataas na salary grade (26 o 27) — katumbas ng director-level na sahod, kahit kulang pa sa karanasan sa paglilitis.
Base sa National Budget Circular 59, ang mga naturang salary grade ay may sumusunod na range:
- SG 25: P111,727 – P124,591 buwanan
- SG 26: P126,252 – P140,788 buwanan
- SG 27: P142,663 – P158,723 buwanan
“Masama sa morale ng mga matagal nang empleyado kapag may mga bagong pasok na agad binibigyan ng Salary Grade 26 o 27. Bagong abogado pa lang, director-level na agad, hindi tama iyon,” ani Remulla sa isang panayam sa ANC.
Dagdag pa niya, nakaka-demoralize umano ito para sa mga matagal nang kawani na may mas maraming karanasan at kwalipikasyon kaysa sa mga bagong appointee.
“It’s bad for morale when you bring in people who are less qualified than those who are already in the service,” giit pa ng Ombudsman.
Binigyang-diin ni Remulla na nais niyang personal na bumuo at kilalanin ang kanyang magiging team, lalo na’t marami sa mga bagong empleyado ay nahirang lamang nitong Hulyo at mga buwan bago siya manungkulan.
Noong Oktubre 20, iniutos ni Remulla na maghain ng courtesy resignation ang 204 appointees sa Ombudsman at muling mag-apply para sa parehong posisyon.
Ayon sa kanya, 99 sa mga ito ay may salary grade 25 pataas.
Nang tanungin kung ituturing ba niyang “midnight appointees” ang mga naturang tauhan ni Martires, sagot ni Remulla:
“Well, we will have to resort to the doctrine of midnight appointments if some of them resist. I just want full cooperation with them.”
Sa ngayon, nanindigan si Remulla na ang paglilinis sa hanay ng Ombudsman ang unang hakbang sa kanyang kampanya para sa pananagutan at laban sa korapsyon sa pamahalaan.
