BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga biyahero, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permits para sa 847 pampasaherong bus na bibiyahe sa Undas 2025.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, ang mga special permit ay sumasaklaw sa 124 ruta sa Metro Manila at Luzon, karamihan ay papasok at palabas ng mga pangunahing bus terminal at transport hubs sa National Capital Region.
“Ang mga karagdagang bus na ito ay upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para makadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Patuloy nating imo-monitor ang sitwasyon sa mga terminal simula pa sa susunod na linggo,” ani Chairman Mendoza.
Sa 847 dagdag na bus, 189 ang bibiyahe mula Metro Manila patungong Southern Luzon (Calabarzon at Mimaropa), 491 para sa Northern Luzon, at 67 patungong Bicol Region.
Samantala, 18 ang nadagdag para sa Metro Manila–Eastern Visayas, 21 sa Western Visayas, at 5 ang patungong Mindanao.
Mayroon ding 56 dagdag na units para sa iba pang lugar sa Luzon na hindi saklaw ang Metro Manila.
“Kasabay ng pag-apruba ng special permits ay ang obligasyon ng mga bus companies na tiyakin ang road worthiness ng kanilang mga unit at ang pisikal at mental na kahandaan ng mga drayber at konduktor,” dagdag ni Mendoza.
Inatasan na rin ni Chairman Mendoza ang lahat ng LTFRB Regional Directors na magsagawa ng regular at surprise inspections sa mga bus terminal at transport stations upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
“Handa ang LTFRB na tiyakin na ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng ating mga kababayan. Magsasagawa tayo ng inspeksyon sa mga terminal at kalsada katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan,” aniya.
Sa pagsunod sa utos ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, pinatawan ng parusa ng LTFRB ang 22 unit mula sa dalawang bus company dahil sa operasyon ng iligal na terminal noong unang bahagi ng linggo.
Inaasahang magsisimula ang Undas exodus sa darating na weekend, lalo’t ilang paaralan ay nagdeklara ng wellness break simula Oktubre 27.
“Ito ay isang whole-of-government approach upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng biyahero ngayong Undas,” ani Mendoza. (MINA PADERNA)
