ISANG tila simpleng proyekto ng pampublikong palikuran ang nagpasiklab ng tensyon sa pagitan ng dalawang opisyal na magkamag-anak sa Cebu na sina Governor Pamela Baricuatro at Pinamungajan Mayor Glenn Baricuatro.
Kinuwestiyon ng gobernadora ang umano’y overpriced na public toilet sa Barangay Tajao na nagkakahalaga ng P1.15 milyon, na aniya’y “masyadong mahal” para sa isang maliit na pasilidad.
Ngunit mabilis itong pinabulaanan ng alkalde, na iginiit na hindi lokal na pondo ang ginamit sa proyekto kundi pondo mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang incentive sa Seal of Good Local Governance (SGLG) na nakuha ng bayan.
Ayon kay Mayor Baricuatro, dumaan sa lahat ng legal at administratibong proseso ang proyekto at hindi pa ito binabayaran ng lokal na pamahalaan dahil hindi pa tapos at kailangang inspeksiyunin muna.
“Ang proyekto ay may basbas ng DILG at isinasagawa nang may pananagutan. Nananatili kaming tapat sa prinsipyo ng transparency at good governance,” pahayag ng alkalde.
Gayunman, nanawagan si Gov. Baricuatro na ilantad ng munisipyo ang lahat ng dokumento ng proyekto, kabilang ang breakdown ng gastos, bidding process, qualifications ng mga bidder, at audit report.
Ayon pa sa kanya, nakatanggap siya ng impormasyon na isang dummy contractor umano ang ginagamit ng isang konsehal na kaalyado ng alkalde upang makontrol ang proyekto.
Batay sa dokumento ng DILG, kinumpirma ng ahensya na SGLG Incentive Fund 2024 nga ang pinagmulan ng pondo. Naglabas ng Notice to Implement noong Setyembre 29, 2024, na nagbibigay ng 12 buwan para matapos at ma-liquidate ang proyekto.
Subalit nang bisitahin ni Gov. Baricuatro ang site noong Oktubre 19, natuklasan niyang nakasulat sa tarp na nagsimula ang konstruksiyon noong Hunyo 27 at target matapos noong Agosto 20 — ngunit hindi pa rin tapos.
Nagpahiwatig ang DILG Region 7 na magsasagawa sila ng inspeksiyon sa proyekto.
Nag-viral ang isyu nang mag-post ang gobernadora sa social media noong Oktubre 17:
“Visit Pinamungajan, our public toilet costs 1.153M.”
Sinundan niya ito kinabukasan ng isa pang post:
“Transparency? Yes, your being kurakot is now transparent”
Tinawag ito ng alkalde na “theatrics and unfounded claims” at sinabing dapat ay nag-inquire na lang ang gobernadora sa DILG imbes na manita sa social media.
Habang hinihintay pa ang DILG investigation, muling kumasa ang gobernadora sa isa pang proyekto, isang P10-milyong tennis court na aniya’y “questionable” din ang halaga.
Depensa ng alkalde, bahagi ito ng sports development program ng bayan, ngunit gaya ng una, walang inilabas na konkretong ebidensya o dokumentong sumusuporta sa kanyang pahayag.
Ayon sa opisyal na website ng LGU, mahilig si Mayor Baricuatro sa jogging, tennis, basketball, at chess, dahilan para lalo pang umingay ang usapan tungkol sa tunay na motibo sa likod ng proyekto.
