NABUKING ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) – Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang isang 25-anyos na lalaki na biktima umano ng human trafficking matapos tangkaing magpanggap bilang empleyado ng pamahalaan upang makalusot sa airport inspection.
Ayon sa ulat ng BI, ang nasabing pasahero ay nagprisintang turista papuntang Hong Kong noong Oktubre 23 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Ipinakita umano ng lalaki ang isang travel authority mula sa Quezon City Hall at sinabing isa siyang kawani ng gobyerno na magbabakasyon.
Ngunit napansin ng mga I-PROBES officers ang ilang kakulangan at hindi tugmang detalye sa kanyang mga dokumento kaya siya ay isinailalim sa masusing beripikasyon (secondary inspection).
Sa imbestigasyon, umamin ang lalaki na pupunta siya sa Hong Kong upang magtrabaho, matapos tumugon sa isang Facebook post na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa.
Ibinunyag din niya na isang Pilipinong recruiter ang nag-alok sa kanya ng mga peke’ng dokumento kapalit ng P4,000.
Nagkita umano sila ng recruiter sa isang fast food chain malapit sa NAIA, kung saan ibinigay sa kanya ang mga pekeng papeles.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa publiko, lalo na sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, na huwag magpagamit sa mga illegal recruiter o sumang-ayon sa pamemeke ng dokumento upang makalusot sa immigration inspection.
“Ang ating mga immigration officers ay sanay at bihasa sa pagtukoy ng mga peke o kahina-hinalang dokumento at travel pattern. Huwag ninyong ipagsapalaran ang inyong kaligtasan,” ani Viado.
Dagdag pa ng komisyoner, ang mga pumapasok sa ibang bansa nang ilegal ay nalalagay sa panganib ng pang-aabuso, human trafficking, at posibleng kasong kriminal sa banyagang teritoryo. “Mas mabuting dumaan sa tamang proseso kaysa mauwi sa kapahamakan,” paalala ni Viado. (MINA PADERNA)
