NANAWAGAN si Kamanggagawa Partylist Representative Elijah San Fernando sa pag-abolish ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), na aniya ay nagpapatibay ng hindi pantay na pasahod sa mga manggagawa depende sa kanilang rehiyon.
Ayon kay San Fernando, panahon na para tapusin ang “zip code-based” wage system at palitan ito ng industry-based wage standards sa pamamagitan ng kanyang inihaing House Bill No. 5678 o “Fair Industry Wages Bill.”
“Hindi dapat maging batayan ng kabuhayan ng manggagawa kung saan siya pinanganak o saan siya nakatira,” ani San Fernando.
“Pare-pareho ang trabaho, pero magkaiba ang sahod, dahil lang sa zip code.”
Sa ilalim ng HB 5678, ipinanukala ni San Fernando ang pagbuo ng Industrial Tripartite Wage and Productivity Boards (ITWPBs) sa bawat industriya. Binubuo ito ng mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), mga employer, at labor groups upang matiyak ang balanseng proseso sa pagtatalaga ng sahod.
Layunin ng panukala na magkaroon ng pantay-pantay na pasahod para sa magkaparehong trabaho, kahit saan pa man sa bansa ito ginagawa. Itatali din nito ang pasahod sa produktibidad at halaga ng trabaho, hindi sa lokasyon.
Ang HB 5678 ay sinasabing complementary bill sa nauna nang inihain ni San Fernando na House Bill 94 o “National Minimum Wage Bill.”
“While the National Minimum Wage Bill sets the floor, the Fair Industry Wages Bill ensures that every industry builds upward from that floor: fairly, transparently, and based on real economic value,” paliwanag ni San Fernando.
Binatikos ni San Fernando ang kasalukuyang wage system na aniya’y “lumalason sa dignidad ng paggawa.”
Batay sa datos, ang kasalukuyang pambansang average minimum wage ay P481 kada araw, malayong-malayo sa P1,218 na tinatayang living wage.
Sa Metro Manila, tumatanggap ng P695 ang mga manggagawa, habang sa Bangsamoro, P411 lamang, sa kabila ng halos magkatulad na gastusin sa pagkain, edukasyon, at kalusugan.
“The existing regional wage mechanism locks provincial workers in low-wage cycles while prices and profits continue to soar,” giit ng kongresista.
“Such disparity cannot be justified by regional variation alone, especially when it results in widespread poverty among working families.”
Sa ilalim ng panukala, ang mga industry wage board ay magiging responsable sa pagtatakda ng industry-specific minimum wage standards batay sa produktibidad at cost of living; pagrekomenda ng productivity-based incentive schemes; at pagsasagawa ng regular wage reviews upang maipantay sa inflation at paglago ng industriya.
“The time has come to rebuild the economy around the dignity of work — not cheap labor, but just wages,” ani San Fernando. “True progress is not measured by stock market gains or GDP growth, but by whether workers can live decently from their labor.”
Ang Kamanggagawa Partylist, na itinatag noong 2024 sa pamumuno ni Alex S. Arellano, ay isang kilusang nagsusulong ng repormang pangkawanggawa at pantay na sahod para sa mga manggagawa at maralita.
Dating kilala bilang Alternatiba Partylist, nakatuon ngayon ang grupo sa pagtatama ng wage inequality at sa pagtataguyod ng social justice bilang pundasyon ng tunay na pag-unlad.
