LUMAGDA ngayong Oktubre 24, 2025 ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na layuning palakasin ang seguridad, proteksyon, at suporta para sa mga manggagawang media sa buong bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, magtatatag ang dalawang ahensya ng mas epektibong sistema sa case referral at imbestigasyon upang matiyak ang mabilis na tugon at agarang aksyon sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga mamamahayag. Magkakaroon din ng joint monitoring mechanism para sa real-time na palitan ng impormasyon, upang maiwasang mabinbin o mapabayaan ang mga kaso.
Bukod sa imbestigasyon, binibigyang-diin ng MOA ang proteksyon at psychosocial support para sa mga biktima ng banta o karahasan. Layunin nitong mapabilis ang pagre-refer sa mga nangangailangang isailalim sa protective custody at agarang tulong.
Kasama rin sa mga programa ng kasunduan ang pagsusuri at pagpapahusay ng mga polisiya sa media relations, na nakatuon sa pagpapalakas ng press freedom, karapatan sa impormasyon, at responsableng pamamahayag.
Ayon kay Jose Torres Jr., Executive Director ng PTFOMS, ang kasunduan ay “hindi lamang dokumento, kundi isang panata” upang tiyakin na ligtas at malaya ang bawat kasapi ng media sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“This agreement is more than just a document; it is a shared vow to protect the rights of media workers, uphold press freedom, and promote transparency and accountability in our society,” ani Torres.
Kasama rin sa mga nakapaloob sa MOA ang pagsasagawa ng regional capacity-building activities para sanayin ang mga tauhan ng law enforcement at media workers sa mas mahusay na pakikipag-ugnayan at paggalang sa isa’t isa.
Magtutulungan din ang PTFOMS at NAPOLCOM sa paghikayat sa Department of Justice at iba pang ahensya upang matiyak na may bigat at kredibilidad ang mga ulat sa imbestigasyon na isinasampa sa korte.
Magkakaroon ng regular na pagpupulong ang dalawang ahensya para suriin ang progreso, magtakda ng bagong mga layunin, at patuloy na palakasin ang kanilang pinagsamang adbokasiya.
Itinatampok ng kasunduang ito ang malinaw na paninindigan ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at sa paglikha ng ligtas na kapaligiran para sa mga manggagawang media sa Pilipinas. (ARNOLD PAJARON JR)
