Tatlong lalaki na pawang nasa watchlist ng pulisya ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Cainta Municipal Police Station (MPS) sa Barangay San Roque, madaling-araw ng Linggo, Oktubre 19, 2025.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas Talle, Briggs, at Alvin, pawang tinukoy bilang street-level drug personalities.
Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat ng Cainta MPS Station Drug Enforcement Team, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang maisagawa ang operasyon sa No. 021 Summergreen Phase 2, Barangay San Roque, Cainta, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 10 gramo at nagkakahalaga ng P68,000.
Narekober din sa lugar ang isang coin purse, isang Marlboro cigarette pack, tatlong P100 marked money bills, at karagdagang P700 na pinaniniwalaang drug money.
Ang mga naarestong suspek at mga ebidensya ay dinala sa Cainta MPS para sa imbestigasyon at dokumentasyon bago isampa ang kaukulang kaso sa korte. (ARNOLD PAJARON JR)
