MATAPOS ang mabilis na pag-apruba ng Kamara sa P1.28 trilyong 2026 budget para sa sektor ng edukasyon, nanawagan ang Philippine Business for Education (PBEd) ng ganap na transparency sa paggamit ng pondo upang matiyak na ito ay magreresulta sa tunay na pag-angat ng kalidad ng edukasyon.
Ayon kay House Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing, ito ang pinakamalaking pondo sa kasaysayan, kung saan P914.14 bilyon ang inilaan para sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ni PBEd Executive Director Bal Camua na bagama’t positibong hakbang ang pagtaas ng pondo, nananatiling hamon ang kawalan ng malinaw na datos kung paano ito ipamamahagi at gagamitin. “Hindi sapat ang dagdag-budget kung walang malinaw na plano at ebidensya kung paano ito makakatulong sa pagpapabuti ng learning outcomes,” aniya.
Giit ng PBEd, ang pondo ay dapat gamitin nang estratehiko upang matugunan ang mga pangunahing kakulangan sa sistema gaya ng pagtatayo ng mga silid-aralan, pagkuha ng mas maraming guro at punong-guro, pagpapalawak ng feeding programs, at pagpapatuloy ng mga programang tulad ng libreng kolehiyo.
Dagdag pa ni Camua, dapat maglabas ng malinaw at madaling ma-access na impormasyon ang Kongreso, DBM, at iba pang ahensya tungkol sa alokasyon ng pondo, target na resulta, at metodolohiyang ginamit sa pagtukoy kung natutugunan nito ang 4% ng GDP benchmark na nirerekomenda ng UNESCO, na patuloy umanong hindi naaabot ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sa P1.28 trilyon, P928.52 bilyon ang mapupunta sa DepEd, P134.99 bilyon sa State Universities and Colleges (SUCs), P34 bilyon sa Commission on Higher Education (CHED), at P20.24 bilyon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ipinagmalaki rin ni Pangandaman ang bagong Program Convergence Budgeting (PCB) Approach, na layong iwasan ang dobleng programa at pag-isahin ang mga target at pondo ng mga ahensya.
Kabilang sa mga bagong programa sa ilalim ng PCB ang Building Early Growth through Integrated Nurturing (BEGIN) na tutugon sa malnutrisyon at mga rekomendasyon ng EDCOM2.
“Magkaisa tayong labanan ang malnutrisyon, tugunan ang learning crisis, at suportahan ang mga kabataan sa pagtupad ng kanilang mga pangarap,” panawagan ni Pangandaman. (ARNOLD PAJARON JR)
