PHIVOLCS
ISANG magnitude 5.7 aftershock ang yumanig sa karagatang bahagi ng Davao Oriental dakong alas-7:35 ng gabi, Lunes, Oktubre 20, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa ulat ng ahensya, naitala ang lindol sa layong 103 kilometro timog-silangan ng bayan ng Manay, Davao Oriental, sa lalim na 10 kilometro.
Kinumpirma ng Phivolcs na ang naturang pagyanig ay aftershock ng malalakas na lindol na may magnitude 7.4 at 6.8 na tumama sa rehiyon noong Oktubre 10.
Pinayuhan ng ahensya ang mga residente sa apektadong lugar na manatiling alerto sa posibleng mga kasunod pang aftershocks at sundin ang mga itinakdang earthquake safety protocols, kabilang ang pagsusuri sa mga gusali para sa pinsala at paghahanda ng mga kagamitang pang-emergency.
Wala namang naitalang nasawi o malaking pinsala sa pinakahuling pagyanig, ayon sa Phivolcs. (LIMUEL TOLENTINO)
