Photo: Sean Ramos/Instagram
Habang patuloy na nagliliyab ang init ng greens sa SJM Macao Open, isang pangalan ang unti-unting kumakabog sa puso ng mga Pinoy golf fans.
Ang tinutukoy natin ay si Sean Ramos. Sa edad na 22, ipinapakita niya na hindi na siya basta “rising star.” Sa ipinakita niyang five-under-par 65 sa unang round, eh malinaw na handa na siyang makipagsabayan sa mga pinakamahuhusay sa Asia.
Ang eagle sa opening hole ay hindi lang magandang simula, simbolo ito ng kumpiyansa at tapang. Sa isang sport na nakasalalay sa disiplina at mental toughness, bihira ang mga batang may ganitong klase ng composure. Si Ramos ay naglalaro na parang beterano. Siya ay mahinahon, magaling sa kalkulasyon, at walang takot.
Hindi ito unang beses na napansin siya sa Asian Tour. Noong sa Jakarta, ipinamalas na niya ang isang gutsy 68 na halos nagdala sa kanya sa podium. At ngayon sa Macao, ipinagpapatuloy niya ang momentum at pinatutunayan na hindi tsamba ang kanyang mga resulta. Ito ay bunga ng dedikasyon, focus, at malinaw na direksyon sa kanyang karera.
Habang papalapit ang International Series Philippines sa Sta. Elena Golf and Country Club, marami na ang umaasa na si Ramos ang magiging bagong mukha ng golf sa bansa. Kasabay ni Justin Quiban at Miguel Tabuena, ipinapakita ng bagong henerasyon na may kinabukasan ang golf sa Pilipinas.
Naku ha! Ang golf ay hindi basta laro ng illan kundi larangan ng talent, tiyaga at pangarap.
Sa bawat palo ng club ni Ramos, tila ipinapaalala niya sa atin na ang pagiging bata ay hindi hadlang sa pagiging world-class.
Kung ipagpapatuloy niya ang ganitong porma, baka hindi na magtagal at marinig na rin natin ang pangalan ni Sean Ramos, hindi lang sa Asian Tour, kundi sa pinakamatataas na entablado ng golf sa mundo. Aabangan talaga namin ‘yan. (RON TOLENTINO)
