HINDI na kailangang maging si Efren “Bata” Reyes para magpamangha sa mundo ng bilyar. At ngayong taon, tila may bagong alamat na isinilang sa anyo ni AJ Manas, ang 19-anyos na batang Pinoy na nagsisilbing puso at inspirasyon ng Team Asia sa nagpapatuloy na Reyes Cup.
Habang pinanonood ni “Bata” mismo sa Ninoy Aquino Stadium, pinatunayan ni Manas na hindi lang talento ang puhunan ng isang kampeon, kundi tibay ng loob, tiyaga, at tamang timpla ng diskarte at swerte.
Sino nga ba ang mag-aakalang ang isang bagito, sa gitna ng mga halimaw ng internasyonal na bilyar, ay makakasilat ng panalo kontra sa dalawang beses na world champion na si Fedor Gorst?
Ngunit higit pa sa pagkapanalo ni Manas, ang mas nakakapanindig-balahibo ay ang kahulugan ng kanyang tagumpay.
‘Yan ang pagbabalik ng kumpiyansa sa lahing Pinoy sa larong minsang pinamunuan ng ating mga alamat.
Sa bawat tumbok, tila sinasabi ng batang ito na “hindi pa tapos ang kwento ng mga Pilipino sa bilyar.”
Hindi rin matatawaran ang diwa ng pagkakaisa sa Team Asia na sina Carlo Biado, Johann Chua, Aloysius Yapp, at Duong Quoc Hoang na nagmistulang pader laban sa Team Rest of the World.
Isipin mo, mga ka-Sports 7-0! Isa itong testament na hindi lang sa isports, kundi sa disiplina, dedikasyon, at puso ng mga Asyano.
Ngayon, habang papalapit sa 11-point finish, malinaw na hindi lang tropeo ang pinaglalabanan dito.
Ito’y simbolo ng panibagong yugto, na kahit sa panahong moderno, patuloy na nangingibabaw ang dugong Pinoy sa larangan ng bilyar.
Kung may matututunan tayo rito, simple lang: hindi kailanman hadlang ang edad o karanasan kung ang puso mo ay mas matibay pa sa bakal ng cue stick mo.
Sa Reyes Cup ngayong taon, hindi lang panalo ang Asia kundi panalo ang Pilipinas. (RON TOLENTINO)
