Hindi maikakaila mga ka-Sports na sa tuwing maririnig natin ang pangalang Jamie Malonzo, ang unang pumapasok sa isip ay atletikong forward na kayang baguhin ang ritmo ng laro sa isang iglap. Pero ngayong opisyal na siyang nawalay sa Kyoto Hannaryz matapos lang ang limang laro, isang tanong ang bumabalot ngayon, saan patungo ang karera ni Malonzo?
Sa isang banda, maayos ang desisyon, mutual parting of ways, ika nga nga nila. Totoo, may mga injury issues ang Kyoto at gusto nitong palakasin ang frontline, kaya’t pumili ng mas malaking Asian import.
Pero sa kabilang banda, hindi rin maitatangging hindi nabigyan ng sapat na pagkakataon si Malonzo para ipakita ang kanyang tunay na laro. Isang minutong average na 6 kada laro? Para sa isang dating PBA star at Gilas mainstay, tila malayo iyon sa inaasahan.
Bago siya lumipad papuntang Japan, si Malonzo ay tinitingala bilang isa sa mga pinaka-explosive at dynamic na forwards sa PBA. Ngunit sa B.League, tila hindi siya nakahanap ng tamang sistema o kumpiyansa mula sa coaching staff. At ngayon, sa gitna ng uncertainty, malinaw na isa lang ang gusto niyang iparating na handa pa rin siya.
“I’m 100% healthy and ready to continue the season,” wika niya niya. At marahil iyon ang pinakamahalagang linya sa kanyang pahayag. Hindi ito pagtatapos, kundi isang panibagong simula. May mga team pa sa Japan na naghahanap ng versatility, energy, at hustle. Mga katangiang natural na dala ni Malonzo.
Ngunit hindi rin mawawala ang agam-agam, kung tatagal siya sa Japan, o kung darating ang araw na muli siyang babalik sa Pilipinas. Sa ilalim ng PBA rule, tatlong taon muna ang kailangang lumipas bago siya makabalik, at sa loob ng panahong iyon, dapat niyang patunayan na karapat-dapat pa rin siyang tawaging elite player.
Ngayon, hamon para kay Jamie ang muling paghanap ng direksyon, hindi lang para makabalik sa porma, kundi para muling patunayan na ang kanyang talento ay hindi basta mawawala sa anino ng sistema.
Dahil kung may isang bagay na tiyak. Sa tamang pagkakataon at tamang koponan, ang apoy ni Jamie Malonzo ay muling sisiklab. (RON TOLENTINO)
