Bigong makalaya si Pacifico “Curlee” Discaya II matapos ibasura ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 498 ang habeas corpus petition na inihain ng kanyang kampo laban sa Senado.
Ayon sa korte, walang sapat na ebidensya upang patunayan ang alegasyon ni Discaya na nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang Senado sa pagpigil sa kanya.
Kinumpirma ni Atty. Cornelio Samaniego III, abogado ni Discaya, ang desisyon ng korte at sinabing tinatanggap nila ang hatol habang pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang.
“Bilang officer ng korte, tumatalima po tayo kung ano ang naging desisyon ng hukuman. Nirerespeto po natin ‘yan, whether favorable or not,” ani Samaniego.
Dagdag pa niya, posible umanong maghain sila ng apela o maghanap ng ibang legal na paraan upang ipaglaban ang kanilang panig.
Matatandaang sinita at ipinakulong ng Senate Blue Ribbon Committee si Discaya noong Setyembre 18 matapos itong mapatunayang nagsinungaling hinggil sa umano’y pagkawala ng kanyang asawang si Sarah Discaya sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Nanindigan naman ang Senado na konstitusyonal at naaayon sa batas ang pagpapataw ng contempt order laban kay Discaya, kaya’t mananatili ito sa kustodiya ng upper chamber hanggang sa maalis ang nasabing parusa.
