Photo courtesy: UAAP/FB
SUSPENDIDO ng tatlong laro si UAAP kay University of the East (UE) Red Warriors guard Wello Lingolingo matapos ang kontrobersyal na insidente sa kanilang 111-110 overtime loss laban sa De La Salle University (DLSU) Green Archers noong Miyerkules, Oktubre 15.
Epektibo ang suspensyon simula sa laban ng UE kontra FEU Tamaraws sa Linggo, Oktubre 19, at tatagal hanggang sa unang dalawang laro ng ikalawang round ng Season 88 men’s basketball tournament.
Ang parusa ay bunsod ng unsportsmanlike foul (criteria 2) na ginawa ni Lingolingo laban kay La Salle guard Kean Baclaan sa 4:21 mark ng ikaapat na quarter, na naging dahilan ng kanyang ejection sa laro.
Ayon sa UAAP, sinadyang sumugod si Lingolingo sa bola sa gitna ng dead-ball situation at natamaan si Baclaan sa kanang binti, na nagdulot ng punit sa kanyang right medial collateral ligament (MCL). Dahil dito, inanunsyo ni Baclaan na hindi na siya makakalaro sa natitirang bahagi ng season.
“Upon review, it was determined that the foul involved excessive and forceful contact made by a player in an attempt to play the ball or an opponent,” paliwanag ng liga sa opisyal na pahayag.
Bilang ikatlong leading scorer ng UE, si Lingolingo ay may average na 14.8 points, 4.0 rebounds, at 1.6 assists kada laro. Dahil sa suspensyon, hindi na siya kwalipikado para sa anumang individual award sa pagtatapos ng season.
Gayunman, iginiit ni UE head coach Chris Gavina na inosente si Lingolingo, at binanatan ang UAAP officiating sa kanyang matinding pahayag.
“I hope these three referees never go back again in any of our games,” galit na saad ni Gavina. “It was a complete disservice for the outcome of this game and the beauty of the competition was taken away.”
Ayon pa sa coach, hindi lamang siya ang nagrereklamo sa kalidad ng officiating, at aniya, “hindi ako ang unang coach na nagsabi niyan ngayong linggo.”
Samantala, may posibilidad pang iapela ng University of the East ang nasabing tatlong-larong suspensyon laban kay Lingolingo. (RON TOLENTINO)
