NAGPAABOT ng taus-pusong pasasalamat ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at LGU ng Maigo, Lanao del Norte matapos ang kanilang land donations na gagamitin bilang mga future site ng regional prison facilities.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., nagkaloob si Nueva Ecija Governor Aurelio Umali ng 60 ektaryang lupain sa Barangay Pinaltakan, Palayan City, habang si Mayor Rafael Rizalda ng Maigo, Lanao del Norte ay lumagda sa deed of donation para sa 9.9 ektaryang lupa nitong Lunes.
Ang natitirang 40.1 ektarya upang makumpleto ang 50 ektaryang pangako ng LGU ay lalagdaan sa mga susunod na araw.
Paliwanag ni Catapang, ang mga donasyong ito ay magsisilbing pundasyon sa pagtatayo ng mahahalagang imprastraktura na magbibigay-daan sa pagsasanib ng BuCor at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa ilalim ng iisang penology at correctional system.
Ang hakbang na ito, aniya, ay tumutugon sa layunin ng Philippine Development Plan 2023–2028 para sa modernisasyon at mas mahusay na paggamit ng mga lupain ng gobyerno.
Bahagi ito ng BuCor Modernization Program na naglalayong magtayo ng mga karagdagang penal farms upang maibsan ang siksikan sa mga kasalukuyang kulungan at matugunan ang lumolobong bilang ng mga PDLs (Persons Deprived of Liberty).

Dagdag pa ni Catapang, layon ng regionalization ng correctional facilities na mapalapit ang mga PDLs sa kanilang pamilya, na mahalaga sa kanilang rehabilitasyon at reintegrasyon sa lipunan.
“Ang aming pangmatagalang plano ay ang pagtatayo ng 16 regional facilities—isa para sa mga lalaki at isa para sa mga babae sa bawat rehiyon—kasama ang mga espesyal na pasilidad para sa mga heinous crime offenders. Layunin naming gawing mas makatao at epektibo ang ating sistema ng kulungan,” pahayag ni Catapang.
Sa kabuuan, nakikita ng BuCor ang proyektong ito bilang hakbang tungo sa reporma at modernisasyon ng correctional system sa bansa. (MINA PADERNA)
