MULING nagpasabog ng kontrobersya si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos niyang ipakita sa kanyang vlog sa plenaryo ng Kamara ang inihandang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang live video nitong Miyerkoles ng hapon, Oktubre 8, ipinakita ni Barzaga ang dokumentong umano’y opisyal na reklamo sa impeachment na nakasentro sa betrayal of public trust at sa kontrobersyal na flood control anomaly na yumanig sa administrasyon.
“Welcome back to the crocodile farm. Absent ulit ang mga buwaya, nagbakasyon na,” ani Barzaga, habang patagong tinutukoy ang ilang kasamahan sa Kongreso.
“May sorpresa ulit ako sa inyo — ito ang Marcos impeachment complaint! Ameow!” sabay pakita ng kopya ng reklamo, dagdag pa ng kongresista mula Dasmariñas City.
Ayon kay Barzaga, umaasa siyang matatanggal si Marcos sa puwesto upang tuluyang maimbestigahan ang mga sangkot sa anomalya sa mga proyekto ng flood control.
“Bye-bye Marcos! Bye-bye Marcos!” pabirong sigaw niya bago tapusin ang video.
Kung maisusumite ni Barzaga ang reklamo sa Office of the House Secretary General, ito ang magiging kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos mula nang maupo ito noong 2022.
Matatandaang si Marcos mismo ang unang nagpabunyag ng mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control, dahilan upang buuin ng Malacañang ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na inatasang magsiyasat sa isyu at tukuyin ang mga dapat managot.
