NANGAKO si bagong Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi magiging sandata sa pulitika ang kanyang tanggapan, kasabay ng pahayag na magtatrabaho siya para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino, hindi para sa anumang kampo o interes.
“Magta-trabaho tayo para sa buong Pilipino at hindi para sa kampo ng isang politika, kaya wala tayong sisinuhin dito,” ani Remulla sa kanyang unang pahayag matapos italaga sa puwesto.
Pinalitan ni Remulla si dating Ombudsman Samuel R. Martires, na natapos termino noong Hulyo.
Ayon sa Malacañang, ang pagtatalaga kay Remulla ay dumaan sa masusing proseso at pagsusuri ng Judicial and Bar Council (JBC).
Itinalaga naman ni Remulla si Justice Undersecretary Fredderick Vida bilang pansamantalang pinuno ng Department of Justice (DOJ) habang siya ay lumilipat sa Office of the Ombudsman.
Binigyang-diin ng bagong Ombudsman na isusulong niya ang transparency, accountability, at patas na pamamahala sa hustisya, tulad ng kanyang ginawa noong siya ay kalihim ng DOJ.
Si Remulla, na nagsilbi bilang ika-59 na kalihim ng DOJ mula Hunyo 2022, ay kilala sa mga repormang naglayong pabilisin ang kaso, i-decongest ang mga bilangguan, at palawakin ang access sa legal na serbisyo sa buong bansa.
Bilang Ombudsman, inaasahan si Remulla na magiging pangunahing tagapagtaguyod ng anti-corruption measures at tagapangalaga ng integridad sa pamahalaan. (ARSENIO TAN)
