Hindi na nakakagulat mga ka-Sampaguita, na muli na namang nanguna ang Pilipinas sa World Risk Index bilang pinakabulnerableng bansa sa mga sakuna sa buong mundo. Pero kahit paulit-ulit na lang natin itong naririnig, hindi pa rin nawawala ang panghihilakbot sa katotohanang ito. Para sa milyon-milyong Pilipinong mahirap, ang delubyo ay hindi paminsan-minsan lang na balita sa TV, ito ay araw-araw na realidad.
Sa totoo lang, hindi bagyo o lindol ang tunay na kalaban natin. Ang kalaban ay sistematikong kapabayaan tulad ng kawalan ng maayos na pabahay, mahinang serbisyong pangkalusugan, kulang na flood control, at kawalan ng access sa serbisyong pinansyal. Kapag dumating ang unos, ang mayaman ay naliligo lang sa ulan, pero ang mahirap ay nilulunod nito.
Hindi Lang Heograpiya, Kundi Hindi Pagkakapantay-pantay
Oo, nasa Ring of Fire tayo. Oo, higit 20 bagyo kada taon. Pero hindi heograpiya ang ugat ng problema kundi inequality ang tunay na salarin. Ang mga nakatira sa tabing-dagat, sa gilid ng estero, o sa bundok ay laging unang nasasagasaan ng trahedya, at madalas, sila rin ang huling nakakabangon.
Ang World Risk Index 2025 ay hindi lang ulat, kundi babala na kung hindi tayo kikilos ngayon, ang bawat bagyo ay magiging dahilan ng bagong siklo ng kahirapan.
Paano Tinutugunan ng Microfinance ang Panganib
Dito pumapasok ang papel ng mga microfinance institutions (MFIs). Sa mga panahong tila walang masasandalan ang maralita, sila ang nagbibigay ng lifeline. Ito ‘yung maliit na pautang, microinsurance, at kaunting ginhawa para makabangon.
Kapag binagyo ang kabuhayan, MFIs agad ang kumikilos kung saan nagbibigay ng ayuda, nagpapaliban ng bayad, nagbibigay ng counseling. Ngunit gaya ng isinulat ni Melany Grecia-Viajante sa kaniyang pananaliksik noong 2023, hindi sapat ang relief. Kailangan ng sustainable recovery, pautang para muling makapagtanim, pagsasanay para sa bagong kabuhayan, at abot-kayang insurance para sa mga magsasaka at maliliit na negosyante.
Ito ang klase ng pagtulong na hindi lang nagliligtas, kundi tunay na nagpapalakas.
Ang Hamon ng Tunay na Resilience
Mayroon tayong National Disaster Risk Reduction and Management Plan. Sabihin na natin na maganda ito sa papel, pero sa realidad, kulang sa pondo, kulang sa kakayahan at ang masaklap na kung minsan ay napupunta sa korapsyon. Ang mga kontrobersya sa flood control projects ay patunay na minsan, mas malalim ang putik sa sistema kaysa sa baha sa kalsada.
Ang resilience ay hindi lang nasusukat sa taas ng dike, kundi sa tibay ng komunidad. Kailangan ng edukasyon, access sa pondo, at partisipasyon ng mamamayan, hindi lang proyekto sa ribbon-cutting. Arayko!
Panahon na Para Magbago ang Pananaw
Hindi sapat ang ayuda pagkatapos ng ulan. Dapat ay anticipatory action, paghahanda bago pa dumating ang sakuna. At dito, muling makikita ang halaga ng microfinance, pagbibigay ng kakayahan, hindi lang tulong.
Kung may matibay na partnership sa pagitan ng MFIs, pamahalaan, pribadong sektor, at lokal na komunidad, maaari nating baguhin ang kuwento. Mula sa bansang palaging biktima ng kalamidad, patungo sa bansang handa, matatag, at marunong bumangon.
Dahil sa huli, hindi natin kayang pigilan ang bagyo, pero kaya nating baguhin kung gaano kalalim ang tama nito.
