Muling umalingawngaw ang boses ng Simbahan sa gitna ng lumalalim na isyu ng korapsyon sa mga flood control project, at tama lang. Sa isang panahon kung saan ang mga lansangan ay nilulubog ng tubig at ang tiwala ng publiko ay nilulubog ng katiwalian, malinaw ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na huwag itago ang katotohanan sa likod ng pulitika.
Habang kumakalat ang mga bulong ng tangkang kudeta sa Senado at ang umano’y paglipat ng liderato, pinaalalahanan ng CBCP ang pamahalaan na ang anumang pagtatangka na ilihis ang imbestigasyon ay magpapalalim lamang ng hinala ng publiko na may tinatago o mas masahol, may pinoprotektahan.
Hindi na bago sa taumbayan ang ganitong taktika. Kapag may iskandalo, biglang may reshuffle o intrigang pampulitika. Kapag may isiniwalat na anomalya, agad nagkakaroon ng diversion hanggang sa tuluyang malimutan ng publiko ang ugat ng usapin. Ang pandarambong sa kaban ng bayan.
Sa mga pagdinig sa Kongreso, lumalabas ang mga alegasyon ng kickback, budget insertions, at mga proyektong multo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). At kung totoo ang lahat ng ito, bawat pisong ninakaw ay isang pisong hindi nagamit para protektahan ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino sa harap ng baha.
Kaya tama ang paninindigan ng CBCP. Kung may katotohanan ang mga alegasyon, kailangan itong ilantad nang buo na walang takot, walang tinatabunang pangalan. Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay dapat payagan na mag-imbestiga nang malaya, may akses sa lahat ng dokumento at saksi, at walang panghihimasok mula sa mga opisyal na maaaring sangkot.
Kung tunay ang sinseridad ng gobyerno sa pagsugpo ng korapsyon, hindi ito dapat mangamba sa transparency. Sa halip, dapat nitong buksan ang mga pintuan, ipa-livestream ang mga pagdinig, ilabas ang mga dokumento, at bigyan ng proteksyon ang mga whistleblower.
Ang tiwala ng bayan ay hindi na basta-basta naibabalik. Kung patuloy na paiikutin ang usapan sa mga intriga sa liderato imbes na sa katotohanan ng nakawan, lalong lulubog ang pamahalaan sa baha ng kawalang-kredibilidad.
Hindi natin kailangan ng mga bagong titulo sa Senado o mga bagong mukha sa kapangyarihan. Ang kailangan natin ay bagong kultura. Kultura ng pananagutan, katapatan, at tunay na paglilingkod.
Kung hindi ito sisimulan ngayon, sa gitna ng iskandalong ito, kailan pa?
Dahil sa likod ng bawat bahang nilikha ng katiwalian, may mga Pilipinong nilulunod hindi ng ulan, kundi ng kasinungalingan.
